Category: News

rice

RICE FERTILIZER VOUCHERS PARA SA PANAHON NG TAG-ULAN, IPINAGKALOOB SA MGA MAGSASAKA NG KIDAPAWAN CITY

Kidapawan City-(July 22, 2025) IKINATUWA ng mga magsasaka sa Kidapawan City ang pagkakaloob sa kanila ng fertilizer vouchers, dahil malaking tulong ito para sa pagpapabuti pa ng pagsasaka sa lungsod.

Programa ito ng Department of Agriculture (DA) Regional Field Office-12 at ng City Agriculture Office ng Kidapawan City Government, kung saan ang mga kuwalipikadong mga magsasaka ay makakatanggap ng libreng abono.

Ang programang ito ay patunay lamang ng inisyatibo ng Lokal na Pamahalaan at Partner Agencies upang masuportahan ang sektor ng agrikultura ng Lungsod.

Nagsimula ang pamamahagi ng fertilizer vouchers nitong Lunes July 21, 2025 na magpapatuloy hanggang sa Huwebes July 24,2025 sa City Pavilion, na pinangunahan nina City Agriculturist Marissa Tuban Aton, City Rice Program Coordinator, Delea Gasatan Roldan at mga Agricultural Extension Workers.##(Djallyca Ganancial/City Information Office)

Read More
doc ted

ORDINANSANG NAGBABAWAL NG PAGBEBENTA NG MGA UNHEALTHY FOODS AT INUMIN MALAPIT SA PAARALAN, IPINANUKALA NG BATANG KONSEHAL SA KIDAPAWAN

Kidapawan City- (July 22, 2025) IMINUNGKAHI ng bagitong konsehal sa Sangguniang Panlungsod ng Kidapawan ang pagbuo ng Joint Task Force on Child Nutrition and Food Safety, na siyang tututok para sa kalusugan ng mga kabataan at mga magulang sa lungsod.

Nitong Lunes, ipinasa ni City Councilor Dr. Ted Padilla Evangelista ang Ordinance No. 012, Series of 2025 na nagtatakda ng 100-Meter Healthy Buffer Zones sa mga paaralan laban sa mga unhealthy foods at mga inumin.

Layunin ng panukala na proteksyonan ang kalusugan ng mga mag- aaral at isulong ang tamang nutrisyon para sa malusog na kinabukasan at ng Kidapawan sa pangkalahatan.

Napapansin daw kasi ni Doc Ted na talamak ang bentahan ng mga unhealthy foods at mga inumin sa paligid ng mga paaralan, na mas madalas namang tinatangkilik ng mga estudyante kahit pa salat ang mga pagkaing ito sa tamang nutrisyon.

Sakaling maging batas ang panukala ni Doc Ted, bawal nang magbenta ng mga junk foods at mga inuming walang sustansiya, isangdaang metro ang layo sa mga paaralan.

Ayon kay Doc Ted, mahalaga ang kalusugan ng mga mag-aaral sa pagkakaroon ng maayos at produktibong kalusugan at kinabukasan.

Ang nasabing proposed ordinance ni Doc Ted ay suportado naman nina City Councilors Dr. Philbert Malaluan, Jason Sibug, Galen Ray Lonzaga at Michael Earvin Ablang.##(Williamor Magbanua/City Information Office)

Read More
nagwagi

NAGWAGING ATLETANG KIDAPAWEÑO, PINARANGALAN NG CITY GOVERNMENT

KIDAPAWAN CITY – (July 22, 2025) Pinuri ng Lokal na Pamahalaan ng Kidapawan ang dalawang manlalarong Kidapaweño na nanalo sa Mixed Martial Arts Sports Competition, kasabay ng isinagawang Convocation Program ng Lokal na Pamahalaan kahapon, araw ng Lunes, July 21, 2025.

Kinilala ang husay at galing ni Christian Jay B. Boquiren bilang Under Card Champion (58kg. Category) sa Mixed Martial Arts Battle Ground sa ginanap na Slugfest 2025 at Mark Lester Bertulfo na 2nd Place naman sa (75kg. Category) Mixed Martial Arts Battle Ground sa Koronadal City.

Pagsisikap at sakripisyo ang ipinuhunan ng dalawang manlalarong Kidapaweño para maabot ang rurok ng tagumpay.

Hindi din kasi basta-basta ang mga kalabang kanilang hinarap, bago nila nasungkit ang mga medalyang inuwi nila sa Kidapawan City.

Nagpaabot naman ng paghanga si Mayor Pao Evangelista, kasama sina Vice Mayor Melvin Lamata at mga miyembro ng Sangguniang Panglungsod para sa nakamit na tagumpay ng mga atletang Kidapaweño. (##Leo Umban / City Information Office)

Read More
SC PASSER

MGA EMPLEYADONG PUMASA SA CIVIL SERVICE EXAMINATION, BINIGYANG PARANGAL NG KIDAPAWAN CITY GOVERNMENT

Kidapawan City-(July 21, 2025) Bilang pagkilala sa tagumpay at dedikasyon ng mga empleyado, binigyang-parangal ng Lokal na Pamahalaan ang ilang mga LGU Employees sa Kidapawan City ang mga nakapasa sa Career Service Examination.

Kaya naman nito lamang umaga ng Lunes, July 21, 2025 kasabay ng isinagawang Convocation Program ng City Government, mainit na binati ng mga kawani ng gobyerno ang mga empleyadong nagpakita ng determinasyon sa pagsusulit. Pumasa sa CS Professional exam sina Katlyn W. Satera, Karen Joy A. Osiones, Marion Jill E. Basarte at Jake Isabelo G. Pacate.

Pumasa din si Kristine G. Leong sa CS Subprofessional Examination.

Ang tagumpay ng mga empleyado ay dahil sa tulong ng Program on Awards and Incentives for Service Excellence o PRAISE, na nagsusulong na masuportahan ang kakayahan ng mga empleyado tungo sa mas epektibong serbisyong publiko.

Sa katunayan may mga programa ang Kidapawan City Government kung saan isinailalim sa review ang mga empleyado na wala pang eligibility upang mas mapadali para sa mga ito ang makapasa sa CSC exams.##(Djallyca Ganancial/City Information Office)

Read More
RANDOM

RANDOM DRUG TESTING SA MGA WORKERS NG CITY GOVERNMENT IPINAG UTOS NI MAYOR PAO

Kidapawan City-(July 21, 2025) IKINABABAHALA ni City Mayor Pao Evangelista ang mga ulat na nakakarating sa kanyang tanggapan, hinggil sa umanoy muling pagiging aktibo ng illegal na droga at mga nagbebenta nito sa lungsod.

Ibinunyag ito ng alkalde sa isinagawang flag raising ceremony na dinaluhan ng mga empleyado ng City Government, kabilang na ang mga National Line Agencies tulad ng Philippine National Police at Bureau of Fire Protection.

Agad na ipinag utos ni Mayor Pao, ang pagsasagawa ng mahigpit na monitoring at kung maaari ay hulihin ang mga sangkot sa pagbebenta at pag-gamit ng illegal drugs sa lungsod.

Inanunsiyo din ng opisyal ang pagsasagawa ng random drug testing sa lahat ng mga Elected Officials na lubha namang ikinagulat ng marami.

Maging ang mga Department Managers ay kasama din sa kinunan ng urine samples, upang patunayan na hindi gumagamit ang mga ito ng ipinagbabawal na gamot.

‘’Bag-o ta manglimpyo sa atong palibot aning hisgutanan sa droga, ato sa limpiyuhan ang atong kaugalingong tugkaran. Ug kini manukad sa atoang mga empleyado sa gobyerno’’ Ayon kay Mayor Pao.##(Williamor Magbanua/City Information Office)

Read More
GKK

GKK NA AKTIBONG NAKIKIISA SA CANOPY’25, BINIGYANG PAGKILALA NG LOKAL NA PAMAHALAAN

KIDAPAWAN CITY – (July 21, 2025) Sa layuning muling ibalik ang ganda ng kalikasan, pinatunayan ng mga Gagmay’ng Kristohanong Katilingban (GKK) na maaasahan din sila sa pagtatanim ng mga puno maliban sa pagtatanim ng Salita ng Diyos.

Mahalaga ang partisipasyon ng mga GKK’s sa hangarin ng Kidapawan City Government na makapagtanim ng milyon-milyong puno, upang suportahan ang programang Canopy ‘25 na isinusulong ni Kidapawan City Mayor Pao Evangelista.

Kasabay ng isinagawang convocation program nitong Lunes (July 21), iginawad din sa GKK ng Sitio Fatima Barangay Junction, ang Certificate of Recognition bilang pasasalamat ng Lokal na Pamahalaan sa kanilang pakikiisa sa programa.

Nasa 150 na mga puno lang naman ang kanilang itinanim sa mga bakanteng lupain sa kanilang barangay.

Mismong si Mayor Pao, kasama ang mga miyembro ng 20th Sanggunian sa pangunguna ni Vice Mayor Melvin Lamata, ang nagkaloob ng sertipiko ng pagkilala sa GKK ng Barangay Junction.(##Leo Umban / City Information Office)

Read More
promotre

NEWLY APPOINTED AND PROMOTED EMPLOYEES NG CITY LGU NANUMPA NA

KIDAPAWAN CITY – (July 21, 2025) BINIGYANG PUGAY ni City Mayor Atty. Paolo Evangelista, ang mga bagong appointed and promoted employees ng City Government sabay ang pagbibigay suporta sa mga ito.

Umaga nitong Lunes, July 21, ng sabay-sabay na nabigyan ng kanilang Oaths of Offices ng alkalde, ang mga bagong hinirang na mga pinuno ng kanilang departamento at iniangat na mga kawani ng Lokal na Pamahalaan.

Sabay sabay na nanumpa ang mga Department Heads na sina Asst. City Administrator Janice Garcia, City Local Civil Registrar Atty. Christoper Cabelin, City Cooperative Development Officer (CCDO) Lauro Taynan Jr., City Budget Officer Grace Tayuan, City Information Officer Williamor Magbanua,at Assistant CCDO Myla Gundran.

Habang na promote naman sina Chuna Lawagon bilang Administrative Aide I ng Economic Enterprise Management Office, Dennis Marasigan Local Legislative Staff Assistant III, Annalyn Largo Senior Administrative Assistant I, at Joan Parilla Administrative Assistant III na mula naman sa Office of the Secretary to the Sanggunian

Hinikayat ni Mayor Pao, ang mga nabanggit na kawani na pagbutihin pa ang kanilang trabaho alang alang sa mahusay na pagbibigay serbisyo publiko.##(Lloyd Kenzo L. Oasay/City Information Office)

Read More
TRAFFICKING

TAKBO LABAN SA TRAFFICKING, MATAGUMPAY NA NAISAGAWA SA KIDAPAWAN CITY

Kidapawan City- (July 19, 2025) Nagkatipon para sa isang makabulohang Fun Run Event ang aabot sa 661 na mga Kidapaweño, upang makiisa sa adbokasiya na labanan ang ibat-ibang uri ng Trafficking.

Ang “Takbo Laban sa Trafficking” ay pinangunahan ng Lokal na Pamahalaan ng Kidapawan kasama ang Kidapawan City Inter-Agency Committee Against Trafficking in Person- Violence Against Women and their Children (KCIACAT-VAWC) at ng City Social Welfare and Development (CSWD) bilang bahagi ng pagdiriwang ng World Day Against Trafficking in Person sa darating na July 30.

Ang nasabing aktibidad ay may layuning maipalam, matukoy, malabanan at maiwasan na maging biktima ng Trafficking at matigil na rin ang ganitong pang-aabuso sa kapwa.

Ilan sa mga nakiisa ay mga kawani ng City LGU, mag-aaral mula sa Central Mindanao Colleges, mga representante mula sa Kidapawan City PNP, Bureau of Jail Management and Penology, Bureau of Fire Protection, Department of Environment ang Natural Resources, mga miyembro ng mga Running Community sa lungsod, at ilan pang mga mamamayan.

Nagpaabot rin ng mensahe ng kanilang pagsuporta sa programa sina City Councilors Dina Espina-Chua, Dr. Ted Matthew Evangelista at Mike Ablang gayundin si City Local Government Operations Officer Julia Judith Geveso.

Personal ring nakisalamuha sa mga naroon sa programa si CSWD Officer Daisy Gaviola at ang mga kasamahan nito upang magbigay ng mga Information Dissemination Materials, na may mga impormasyong dapat malaman ng publiko tungkol sa usapin ng Trafficking.

Isa lamang ang nasabing FunRun event sa mga aktibidad na inihanda ng Kidapawan City LGU, sa pakikiisa nito sa kampanya ng pagsalba at pag-protekta sa mga mamamayan ng lungsod sa banta ng pang-aabuso at kasiraang dulot ng mga traffickers.##(Ryzyl Villote/City Information Office)

Read More
BIGAS NG PANGULO

KADIWA NG PANGULO SA CITY PAVILION

Bukas na para sa publiko mula 8:30 AM ang “KADIWA NG PANGULO” na matatagpuan sa City Pavilion ngayong araw July 19, 2025.

MABIBILI RITO ANG MGA SUMUSUNOD:

✔️Bigas – P29 per kilo

✔️Frozen & ready-to-cook Tilapia

✔️Assorted Gulay at Prutas

Ang programang ito ay naging posible sa pagtutulungan ng City Government of Kidapawan, kasama ang Office of the City Agriculturist, katuwang ang DA-Region XII at NIA-Cotabato.

Presyong abot-kaya, para sa lahat!

Punta na sa City Pavilion at mamili!

Read More
BIRTH

LIBRENG BIRTH REGISTRATION PARA SA MGA KIDAPAWEÑO, INILUNSAD NG CITY GOVERNMENT OF KIDAPAWAN

KIDAPAWAN CITY- (July 18, 2025) Isa sa mga pangunahing balakid sa pagtanggap ng mga benepisyo ng gobyerno ay ang kakulangan sa papeles, partikular na ang katibayan sa pagkakakilanlan kagaya ng birth certificate. Kung kaya at ang mismong tanggapan na ng City Civil Registrar ang lumapit sa mga barangay upang ihandog ang libreng birth registration sa mga mamamayan ng lungsod na wala pa nito.

Isinagawa ang launching ng nasabing programa nito lamang araw ng Lunes, July 14, na may temang, “Identity is a right. Access must be free”, sa Barangay Singao na pinangunahan ni City Civil Registrar Officer Atty. Christopher Cabelin, kung saan abot sa apatnapung (40) indibidwal ang nakinabang.

Ayun kay Atty. Cabelin, ang inisyatibong ito ay ang pinakaunang bilin ni City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista sa kanya, matapos syang maitalaga sa posisyon nito lamang Hulyo, na naging posible sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng CCR sa Philippine Statistic Authority o PSA.

Dagdag pa niya na gagawin ding libre ng kanyang tanggapan ang notarization ng Certificate of Live Birth at Affidavit of Two Disinterested Persons, gawa ng siya din naman ay abogado, gayundin ang delivery ng mga birth certificate sa mga pintuan ng mga recipient, sampung (10) araw pagkatapos itong mapost.

Bibigyan naman ng tatlong araw ang mga tumanggap upang iwasto ang mga detalye na nasa kanilang Birth Certificate, saka ito isumite sa Central Office ng PSA.

Bilang tugon naman sa panawagan ng City Government ay ginawang libre ni Punong Barangay Eduardo Loma ang pagbigay ng Barangay Certificate of Residency at Indigency, para sa mga nais makinabang sa nabanggit na programa.

Samantala, nakatakda namang bumisita ang CCR sa Brgy. Amas sa darating na July 31, 2025, at Brgy. Junction sa August 6, 2025 upang ihatid ang kaparehong serbisyo. Kailangan lang nilang ihanda ang kanilang Affidavit of Two Disinterested Persons, Omnibus Certification, at Certificate of Indigency.##(Vonkluck Herrera | City Information Office)

Read More