Category: News

thumb

CASH GIFT NA HANDOG PARA SA MGA OCTOGENARIAN AT NONAGENARIAN, NAIPAMAHAGI NA

Kidapawan City-(July 25, 2025) KINILALA ng National Commission of Senior Citizens (NCSC) ang naging papel ng mga senior citizens na kahit nasa dapit hapon na ng kanilang buhay ay mahalaga parin ang naging ambag ng mga ito sa lipunan.

Kaisa ang Lokal na Pamahalaan ng Kidapawan, City Social Welfare and Development Office at ang Office of the Senior Citizen o OSCA, pinangunahan nila ang Cash Gift Distribution para sa mga Octogenarians at Nonagenarians nitong araw ng Biyernes na ginanap sa City Convention Center.

Nasa P10, 000.00 ang natanggap ng nasa 157 na mga senior citizens na may edad mula 80 hanggang 95 na taong gulang. Mula sila sa ibat-ibang mga barangay ng Kidapawan City.

Ang nabanggit na distribusyon ay isinagawa alinsunod sa Republic Act 11982 o Expanded Centenarian Act of 2024.

Layunin nitong makatulong sa pinansyal na pangagailangan ng mga senior citizens at bilang pagkilala rin sa kanilang mga naging kontribusyon sa Lungsod.##(Djallyca Ganancial/ City Information Office)

Read More
pre registration

PRE REGISTRATION NG LUNTIAN KIDAPAWAN YOUNG SAVERS CLUB, GINAWA SA KCNHS

Kidapawan City-(July 24, 2025) Nagsimula nang magpa miyembro ang mga mag-aaral ng Kidapawan City National High School sa Luntian Kidapawan Young Savers Club.

Isang Memorandum Of Agreement sa pagitan ng LKYSC kasama ng Department of Education-Kidapawan City Division, mga Partner Cooperatives nito, ang nilagdaan sa Kidapawan City Hall lobby nitong buwan ng Abril.

Layunin ng membership ng mga mag aaral mula sa KCNHS, na maisakatuparan o turuan ang mga bata sa murang edad na makapag-ipon.

Mismong ang mga naitalagang Opisyales ng Kooperatiba ang nanguna at nangasiwa sa membership registration ng nasa limampung(50) mga mag-aaral ng Kidapawan City National High School.

Inaasahang mas dadami pa ang bilang ng mga magpamiyembro sa darating na mga araw, dahil patuloy pang nagre-recruit ng mga bagong miyembro ang LKYSC.

Hinihikayat naman ng mga Opisyales ang lahat ng mag-aaral sa lungsod, na mag ipon habang maaga pa upang may madudukot sila sa oras ng pangangailangan. ##(Leo Umban / City Information Office)

Read More
fogging

FOGGING SA BARANGAY ONICA, ISINAGAWA NG CITY DISASTER RISK REDUCTION MANAGEMENT OFFICE

Kidapawan City-(July 24, 2025) Bilang bahagi ng programa para malabanan ang mga sakit na kadalasang kumakalat tuwing panahon ng tag-ulan, ay nagsagawa ng Fogging Operation ang mga kawani ng City Disaster Risk Reduction Management sa Brgy. Onica kamakailan.

Ang Fogging ang isa sa mga hakbang na isinasagawa upang malabanan ang sakit na dala ng kagat ng lamok tulad na lamang ng Dengue at Malaria.

Ilan sa naging prayoridad ng CDRRMO ang Onica Elementary School, Onica National Highschool at ang mga Daycare Centers na nasa Purok Lanzones, Mangga at Santol.

Sa paraang ito mababawasan ang pangamba ng mga magulang, mag-aaral at mga residente sa banta ng mga nabanggit na sakit.

Patuloy naman ang panawagan ng City Health Office at CDRRMO sa lahat na panatilihin ang kalinisan sa kanilang paligid upang maka iwas sa nakamamatay na dengue fever.##(Ryzyl M. Villote/ City Information Office)

Read More
kasal

APAT NA MAGPARES, IKINASAL NG CITY GOVERNMENT

Kidapawan City-(July 24, 2025) Bakas ang ligaya sa mga mukha ng apat na magsing-irog matapos silang ikasal ng City Government nito lamang araw ng Huwebes, July 24 sa City Convention Center.

Mismong si City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista ang nanguna bilang Solemnizing Officer sa mga ikinasal.

Paalala ni Mayor Pao sa mga magpares na ang kontrata ay hindi nakasulat sa papel, kundi sa puso, kasama ang pangakong mamahalin ang isa’t isa nang walang kondisyon o expiration na siselyuhan ng kanilang unang halik.

Napuno naman ng kilig ang bulwagan, gawa ng naisakatuparan na sa wakas ang matagal ng hangad ng mga magsing-irog na maipakasal.

Bilang pakikiisa naman sa pagdiriwang ay naghandog din ang City Government ng libreng wedding singer, host, venue at decorations, at regalo sa mga bagong kasal.

Inaasahan naman ng City Government na maging tulay sa pagtataguyod ng isang matibay na sambahayan at pamayanan ang ginagawa nitong libreng kasalan para sa mga magpares na gustong maging legal ang pagsasama.##( Vonkluck Herrera | City Information Office)

Read More
may

SK OFFICIALS HINAMON NI MAYOR PAO NA MAKIALAM SA PAG PRESERBA NG KALIKASAN

Kidapawan City-(July 23,2025) ‘’If you really love the environment, show these through your actions.” Ito ang mga katagang binitawan ni Mayor Pao sa mga Tri-people youth na nakiisa sa Karon Youth Training na ginanap sa Notre Dame of Kidapawan College (NDKC) Student Center nitong nakaraang July 20, 2025.

Tila pahiwatig ang katagang ito hindi lamang sa mga partisipante kundi maging sa mga lider ng Sangguniang Kabataan sa Kidapawan City.

Hinamon kasi ni Mayor Pao ang mga SK officials sa 40 mga barangay ng Kidapawan, na makiisa sa kanyang kampanya para sa pag preserba at pangangalaga sa mga Likas na Yaman ng lungsod.

Ayon sa alkalde, dapat ay gamitin ng mga SK officials ang kanilang pondo para isulong ang kagandahan at kalinisan ng kanilang nasasakupan.

Mas mainam daw ayon kay Mayor Pao na ituon ng mga kabataang lider ang kanilang programa sa mga clean-up drive, tree growing, Materials Recovery Facility (MRF), upcycling ( the process of transforming discarded materials or products into something of higher quality or value), composting at pagsasabuhay muli ng mga ilog.

Ang pangangalaga sa Kalikasan kasi ang isa sa mga priority program ng City government kaya puspusan din ang pagsisikap na makapagtanim ng mga puno sa mga bakanteng lugar sa lungsod.

Sa katunayan ang programang Canopy ‘25 ay isang patunay na kung seseryusohin lang ng mga namumuno sa pamahalaan ang bagay na ito, ay hindi malayong maibalik ang ganda at ang unti-unti nang naglalahong mga mayayabong na kagubatan.

Bawat isa ay dapat na makialam at makiisa dahil ang pagpapahalaga sa Kalikasan ay mahalang gampanin hindi lang ng mga halal na opisyal bagkus maging ng mga ordinaryong mamamayan.

Sa ilalim ng programang Canopy ‘25 ang lokal na pamahalaan katuwang ang mga pribadong sektor at ang simbahan ay nakapagtanim na ng nasa 3 milyong mga puno sa ibat-ibang lugar ng Kidapawan.##(Williamor Magbanua/City Information Office)

Read More
baklas

MGA TOBACCO PROMOTIONAL POSTERS SA LUNGSOD, PINABABAKLAS NG KIDAPAWAN CITY GOVERNMENT

Kidapawan City- (July 23, 2025) Nagbigay ng derektiba si Mayor Pao Evangelista sa lahat ng mga Punong Barangay sa Lungsod ng Kidapawan, ukol sa pagbabaklas ng mga tobacco promotional posters na matatagpuan sa kanilang mga area of responsibility.

Nasa 25 na mga Barangay na ang nagsagawa ng nasabing hakbangin, at nakatakda na ring magsagawa ng “Oplan Baklas” ang natitira pang mga barangay sa susunod na araw.

Prayoridad nito ang mga posters na nasa mga sari-sari stores, lalo na ang mga nasa National Highway at iba pang mga pampublikong lugar.

Bahagi ito ng implementasyon ng Smoke-Free Ordinance ng lungsod, tulad na rin ng kampanya sa pagsita sa mga mahuhuling nag-sisigarilyo at gumagamit ng vape sa mga matataong pook.

Ang mga promotional posters ay maituturing na materyal na bagay na nagpapakilala sa iba’t-ibang uri ng sigarilyo, at naglalapit nito sa publiko lalo na sa mga kabataan.

Ang hakbang ng pagbabawal sa paglalagay nito sa Lungsod, ay inaasahang makakatulong na unti-unti ng mababawasan ang bilang ng mga smokers at mas marami na ang pahahalagahan ang kanilang kalusugan.

Ang nasabing kampanya ay naging posible sa pagtutulongan ng City Health Office at pangangasiwa na rin ng mga Opisyal ng mga Barangay.##(Ryzyl M. Villote/City Information Office)

Read More
vice

HOG DISPERSAL PROGRAM NG VICE MAYOR’S OFFICE NAGPAPATULOY SA MGA BARANGAY NG KIDAPAWAN

Kidapawan City-(July 23, 2025) HUWAG umasa sa ayuda. Magsikap at palaguin ang anumang proyektong ipinagkatiwala ng Lokal na Pamahalaan sa pamamagitan ng Vice Mayor’s Office.

Mga katagang palaging sinasambit ni City Vice Mayor Melvin Lamata, katuwang si City Councilor Galen Ray Lonzaga, na personal na nakikipagsalamuha sa mga taga Barangay San Roque, upang mamigay ng mga biik.

Walang katapusang pasasalamat ang nasambit ng mga beneficiaries, mula sa walong mga puroks at Barangay Health Workers (BHW’s) na tumanggap ng mga biik sa hog dispersal program na isinusulong ng bise alkalde.

Maliit man na programa kung binibigyang halaga ay makakatulong, upang magkaroon ng sapat na pinansiyal ang bawat grupo na makakaalalay sa kani-kanilang mga pamilya.

Nananawagan naman si Vice Mayor Melvin sa mga nais na mag avail sa hog dispersal program, na bumisita lamang sa kanyang tanggapan upang masali sa susunod na mga dispersals.

Maliban sa pamimigay ng mga biik, aktibo din ang tanggapan ng Bise Alkalde sa pamimigay naman ng bigas, sa mga grupo bilang panimula ng kanilang negosyo.##(Williamor Magbanua/ City Information Office)

Read More
newbohol

KDAPS 4.0 BALIK SERBISYO NA, BRGY. NEW BOHOL UNANG BINISITA

Kidapawan City-(July 23, 2025) Maaliwalas man ang panahon, naging mainit naman ang pagsalubong ng mga residente ng barangay New Bohol, sa mga kawani ng programang Kabaranggayan Dad-An Ug Proyekto Og Serbisyo o KDAPS nitong araw ng Huwebes, July 23, 2025.

Dinaluhan mismo ni City Mayor Pao Evangelista, ang okasyon kung saan ay nagpaabot ito ng pasasalamat sa mga Kidapaweño sa tagumpay na naabot ng KDAPS sa loob ng kanyang termino. Kaya naman sa pagsisimula nito, una ngang naging destinasyon nito ang nabanggit na barangay .

Ayon sa alkalde, mismong ang Lokal na Pamahalaan ang magtutungo sa mga barangay upang ilapit mismo sa mga tao ang ibat-ibang serbisyo publiko.

Ilan sa mga residente na naka benepisyo sa KDAPS sina Lioniza Javier Duran, Felicidad Luceranas at Milagros Embodo, kung saan napagsilbihan sila ng mga kawani ng Philippine Statistic Authority (PSA), Office of the City Veterinary (OcVet) at Eye Check-up para sa libreng salamin.

Malaking ginhawa ito para sa kanilang tatlo dahil sa halip na magtungo sila sa sentrong bahagi ng Lungsod, ay ang mismong serbisyo na ng mga tanggapan ng pamahalaan ang pumupunta sa kanilang barangay.

Nagpaabot naman ng pasasalamat ang mga residente at mga opisyal ng New Bohol sa lokal na pamahalaan at sa partner agencies ng KDAPS, na naglaan ng oras at panahon upang tugunan ang mga suliranin na kinakaharap ng mga mamamayan ng nasabing barangay. ##(Leo Umban / City Information Office)

Read More
visit

PLTGEN BERNARD BANAC, BUMISITA SA KIDAPAWAN CITY

Kidapawan City- (July 23, 2025)NAG COURTESY call sa tanggapan ni City Mayor Pao Evangelista si PLTGEN. Bernard M. Banac sa pagbisita nito sa lungsod ng Kidapawan nitong Miyerkules, July 23, 2025.

Si LtGen. Banac ang kasalukuyang Commander ng Area Police Command ng Western Mindanao na nakabase sa Pagadian City, Zamboanga del Sur.

Kasama si PLtCol. Josemarie Simangan, ang Hepe ng Kidapawan City PNP ay nagkaroon sila ng talakayan bilang pagsuporta sa nagpapatuloy na mga hakbang para sa Kapayapaan at Kaayusan sa Mindanao.##(Ryzyl Villote| City Information Office)

Read More
daycare

CHILD DEVELOPMENT WORKERS NAKATANGGAP NG CASH ASSISTANCE MULA SA CSWDO

Kidapawan City- (July 22, 2025) Masaya at walang mapagsidlan ng tuwa ang mga Day Care Workers o CDW ng Kidapawan City, dahil natanggap na nila ang P10,000.00 na cash assistance nitong Lunes, July 21 na ipinamahagi ng mga kawani ng City Social Welfare and Development Office.

Mahigit isang daang mga Day Care Workers ang nakatanggap ng biyaya sa nasabing programa. Mula sila sa mga piling mga manggagawa, na naka destino sa 40 na mga barangay ng lungsod.

Ang nasabing halaga ay gagamitin ng mga DCW’s para sa pagsasaayos ng kanilang learning centers at pambili narin ng karagdagang mga kagamitan sa paaralan.

Nais kasi ng mga DCW’s na maging komportable at maging maayos ang kalagayan ng mga bata habang sila ay nag aaral.

Umaasa si CSWD Officer Daisy Gaviola, na makakatulong ang kaunting halagang ito upang mas mapaganda pa ang edukasyon ng mga daycare learners.

Nagpaabot naman ng taos pusong pasasalamat si Emeily Anfone, isa sa mga nakatanggap ng P10, 000.00 mula sa Lokal na Pamahalaan at nangako itong gagamitin ang pera para sa kanyang mga learners.##(Leo Umban / City Information Office)

Read More