Category: News

plate

ALL EYES HERE KIDAPAWEÑOS

LTO KIDAPAWAN NAGSIMULA NANG MAMIGAY NG MGA PLATE NUMBER MATAPOS ANG 11 TAONG BACKLOG NG AHENSIYA

Kidapawan City-(August 4, 2025) THE long wait is over para sa mga nangagalaiti at galit na galit sa Land Transportation Office o LTO dahil sa matagal na pag release ng mga plate numbers ng motorsiklo at tricycle.

Inanunsiyo na kasi ng Land Transportation Office, Kidapawan City District Office na mayroon ng available na mga plate numbers ang ahensiya.

Tugon ito ng LTO sa labing-isang taong backlog ng mga plate numbers, hindi lamang sa Kidapawan kundi maging sa buong bansa.

Para sa mga motorsiklo na mayroong 7 digits at 7 characters, maging yaong mga gumagamit ng MV File Number bilang pansamantalang plaka ay maaari nang makakuha ng orihinal na plate number mula mismo sa LTO.

Mayroon na ring plate number ang tricycle na gumagamit ng yellow plates na mayroong itim na numerals.

Ayon sa LTO Kidapawan, makukuha lamang ang orihinal na plate number kapag maka presenta ang may ari ng Official Receipt of Registration at Certificate of Registration o OR/CR.

Pinapayuhan din ng LTO ang mga hindi pa nai-transfer ang ownership sa pangalan ng nakabili nito, kung maaari ay magdala ng karagdagang requirements kagaya ng Deed of Sale at isang valid ID.

Ipakita lang ang mga kinakailangang dokumento sa Windows 1,2 at 3 at agad na makukuha ang orihinal na plate number ng motorsiklo o ng tricycle.##(Williamor Magbanua/City Information Office)

Read More
tagum

TAGUMPAY NG BATANG KIDAPAWEÑO SA BADMINTON, KINILALA NG KIDAPAWAN CITY LGU

Kidapawan City- (August 4, 2025) Isang batang Kidapaweño ang nanalo sa nakaraang Felet Champions League National Badminton Tournament na ginanap noong July 26-27, 2025 sa Davao City.

Si Rainier Eric Y. Honorario, siyam na taong gulang mula sa San Isidro Elementary School ay nag-uwi ng Bronze medal sa Boys Singles 9-under Category sa nasabing palaro.

Ang tagumpay ni Honorario, ay kinilala ng Lokal na Pamahalaan ng Kidapawan kasabay ang isinagawang Monday Convocation Program nitong August 4, 2025.

Kasama ang mga Opisyales ng Lungsod ay iginawad sa kanya ang Sertipiko ng Pagkilala, tanda ng pagsuporta ng City LGU sa kanyang tagumpay.

Umaasa ang Lokal na Pamahalaan, na mas marami pang katulad ni Honorario ang matagumpay din sa larangan ng sports na nais nilang mamayagpag bitbit ang pagkakakilanlan na sila ay mula sa Kidapawan City.##(Ryzyl M. Villote/ City Information Office)

Read More
pdw

PWDs TINUTULUNGANG MAGING PRODUKTIBO NG CITY GOVERNMENT

KIDAPAWAN CITY – (August 4, 2025)SA KABILA ng kanilang mga kapansanan, tinutulungan pa rin ng City Government ang mga Persons with Disabilities o PWDs na paunlarin ang kanilang mga sarili.

Ilan lamang sa mga programang inilaan para sa mga PWDs ay livelihood trainings, sign language skills development, libre at priority health services, at pagsusulong na gawing aktibo ang mga PWD organizations sa lahat ng barangay sa lungsod ng Kidapawan.

Ayon pa sa PWD Affairs and Development Office o PDAO, may 4,653 na mga PWDs ang nabigyan nila ng Identification Cards para madaling makatanggap ng mga programa, serbisyo at maging pribilehiyo mula sa pamahalaan at pribadong establisyemento.

Ilan din sa mga assistance na ibinigay ay ang mga sumusunod: Death/Burial Assistance(13),Medical/Hospitalization(71), Financial Assistance(34), Assistive Devices(22) at Transportation Assistance(5).

Pinalalakas din ang Women PWD Organizations sa siyam na mga barangay ng lungsod, dagdag pa ng PDAO.

May apatnapung mga PWDs na karamihan ay mga bata na may “cleft palate at congenital limb abnormalities” ang matagumpay na naoperahan sa ilalim ng partnership ng City Government at Tebow Cure Children’s Hospital of the Philippines.

Bilang patunay sa mahusay na pagbibigay ng serbisyo sa mga PWDs, ay nakakuha ng 100% Ideal Functionality rate ang lungsod mula naman sa Department of the Interior and Local Government o DILG kamakailan lang.##(Lloyd Kenzo Oasay/City Information Office)

Read More
fbse

TWO-DAY FILIPINO BRAND OF SERVICE EXCELLENCE SEMINAR, MATAGUMPAY NA ISINAGAWA

Kidapawan City-(August 1, 2025) Sa pakikipagtulungan ng Department of Tourism-Region XII, ay matagumpay na naisagawa ng Lokal na Pamahalaan ng Kidapawan sa pangunguna ng City Tourism and Promotions Office ang two-day Filipino Brand of Service Excellence Seminar o FBSE nito lamang July 30 at 31, 2025.

Ang unang araw ng seminar ay ginanap sa Suroyan na dinaluhan ng mga vendors at kawani ng Kidapawan City Integrated Transport Station. Ang pangalawang araw naman sa Parklay Suites ay dinaluhan ng mga kawani mula sa National Agencies, Kidapawan Travel Agency Association at iba pa.

Karamihan sa mga sumailalim sa training seminar, ay madalas nakakasalamuha ng mga bumibisita, turista at maging kapwa nila mamamayan sa Lungsod. Naituro rin dito ang mga simple at magalang na paraan sa pakikitungo sa bawat isa, tanda ng pagiging Pilipino.

Layunin ng isinagawang pagsasanay na palakasin ang kulturang Pilipino at pagbibigay diin sa mahahalagang papel ng mga partisepante sa pagpapalaganap ng mga tradisyong nagpapahalaga sa pagkakakilanlan.

Mula sa larangan ng transportasyon, kalusugan at serbisyong publiko, bawat isa ay may mahalagang papel sa paghubog sa Lungsod.

Naging resource speaker naman sa seminar si Philippine Chamber of Commerce Inc.- Central Mindanao Regional Governor Maureen Cacabelos.##(Djallyca Ganancial/City Information Office)

Read More
sim

FIRST FRIDAY MASS PARA SA BUWAN NG AGOSTO, ISINAGAWA NG KIDAPAWAN CITY-LGU

Kidapawan City-(August 1, 2025) Nagkatipon ang mga kawani ng Lokal na Pamahalaan ng Kidapawan para sa pagdiriwang ng banal na misa sa unang araw ng Biyernes (August 1, 2025), at pagbubukas na rin ng buwan ng Agosto.

Mensahe ng misa na pinangunahan ni Fr. Fred Palomar,DCK ang pagmamahal ng Panginoon sa lahat ng mga tao gayundin ang kanyang pagtanggap maging ano man ang katayuan nito sa buhay.

Nagpaalala din si Fr. Fred na gawing sentro ang Diyos sa mga katungkulan ng bawat isa, at gumawa ng mga bagay mula sa pagmamahal maliit man ito o malaki.##(Ryzyl M. Villote/ City Information Office)

Read More
mon

TEACHERS BINIGYAN NG TRANSPORTATION ALLOWANCE NG CITY GOVERNMENT

KIDAPAWAN CITY – (July 31, 2025) KUNG MAY ibinibigay na Education Subsidy ang City Government sa mga estudyante sa public schools, meron din naman para sa mga guro.

Nitong tanghali ng Huwebes, July 31 ay ibinigay na ng Lokal na Pamahalaan sa mga guro ng mga pribadong elementarya at high schools ang kanilang P1,000 na Transportation Allowance.

Paraan ito ng City Government na pasalamatan ang mga guro sa private schools sa paglilinang sa karunungan at magandang asal ng mga bata.

Dalawang daan at limampu’t dalawang mga teachers mula sa iba’t ibang pribadong eskwelahan sa lungsod ang nabigyan ng kanilang Transportation Allowances sa loob ng City Gymnasium.

Pasasalamat naman ang ipinapaabot ng mga guro sa City Government sa pagtataguyod ng naturang programa.

Nauna ng tumanggap ng kani kanilang Transportation Allowances ang mahigit sa 1,600 na mga public school teachers noong nakalipas na weekend.##(Lloyd Kenzo Oasay/City Information Office)

Read More
dff

VM LAMATA: SAMA-SAMANG PAGKILOS NG MGA MIYEMBRO NG BAWAT GRUPO SA KIDAPAWAN SUSI SA MAGANDANG KINABUKASAN

Kidapawan City-(July 30, 2025) KUNG ang lahat ay magtutulungan at makikiisa, ang mga gawaing mabibigat ay talaga namang gumagaan at nakakatulong pa para sa mga aktibong miyembro ng anumang assosasyon.

Ito ang napatunayan ni City Vice Mayor Melvin Lamata Jr., nang sinimulan nitong bigyan ng maliit na pagkakakitaan ang ibat-ibang grupo sa lungsod ng Kidapawan.

Nito nga lang araw ng Lunes, personal na dinaluhan ng bise alkalde ang pagpupulong ng mga miyembro ng Overland Terminal TODA at Talisay Street Community Managed Saving Credit Association.

Ang dalawang organisasyong ito ay ilan lang sa napakaraming mga grupo na nakabiyaya ng ‘Bigasan sa Barangay’ na programa ni Vice Mayor Lamata, na naglalayong paunlarin at turuan na makapag ipon ang mga miyembro nito.

Mula sa maliit na puhunan ay napalago ng mga opisyal at mga miyembro nito ang kanilang livelihood project dahilan upang muli ay makatanggap sila ng karagdagang kapital mula sa mismong Bise Alkalde ng lungsod.

Samantala, naging matagumpay rin ang hog dispersal project na ipinagkaloob naman sa mga women’s organization at mga purok members.

Nakatulong ang programang ito upang kahit papano ay mai-angat ang antas ng pamumuhay ng mga miyembro, na matiyagang nagbuhos ng panahon at pawis para mapalago ang mga programang ipinagkaloob sa kanila ng libre ng mga opisyal ng Kidapawan.

Ayon kay Vice Mayor Lamata ang kanyang programa ay nagsisilbi naring tulong sa mga Kidapaweños na nagnanais na gumanda ang buhay sa hinaharap.

Naka angkla din daw ang programa sa ipinapatupad naman ng City Government, na naglalayong turuang maghanap ng paraan ang mga kababayan kaysa sa umasa sa pansamantalang ayuda mula sa pamahalaan.##(Williamor Magbanua/City Information Office)

Read More
sen

KALUSUGAN SA PANINGIN AT PANDINIG LIBRENG SERBISYONG IBINIGAY NG CITY GOVERNMENT SA MGA SENIOR CITIZENS

KIDAPAWAN CITY – (July 30, 2025) ITINATAGUYOD sa kasalukuyan ng City Government ang mga programang nakasentro sa kalusugan sa paningin at pandinig para sa mga Senior Citizens.

Malimit na kasing suliranin ng mga nakatatanda ang paglabo ng paningin at kung minsa’y halos o hindi na makarinig dala na rin ng kanilang edad.

Kaya nagpatupad ang City Government ng programang Libreng Antipara para kay Lolo at Lola na nagbibigay ng libreng salamin sa mata, Eye Screening for Cataract and Ptygerium at Ear Care Program.

Mula buwan ng Enero hanggang Hunyo ng taong kasaluyan, 600 na mga Senior Citizen ang nabigyan ng libreng salamin sa mata.

Tatlumpu at isa na mga pasyenteng Senior Citizens ang naoperahan sa Cataract at 6 naman sa Ptygerium.

Habang 95 naman ang ginamot dahil sa kanilang diperensya sa pandinig.

Sa pamamagitan nito ay natutugunan ang hinaing ng mga nakakatanda sa kanilang kalusugan.

Partners ng City Government ang Gapul Optical Clinic, Deseret Ambulatory Hospital at si Dr. Bryant Martinez, MD sa naturang mga programang laan sa mga Senior Citizens.##(Lloyd Kenzo Oasay/City Information Office)

Read More
csc

CENTENARIAN SA LUNGSOD, TUMANGGAP NG CASH INCENTIVES MULA SA NATIONAL COMMISSION OF SENIOR CITIZENS AT COTABATO PROVINCE

Kidapawan City-(July 30, 2025) Nasa dapit hapon man ng kanilang buhay naipapakita parin ng pamahalaan ang pagmamahal at pagpapahalaga sa mga senior citizens.

Buwan ng Marso sa mismong araw ng kanyang kapanganakan ay pinagkalooban ng P50,000.00 mula sa Kidapawan City Government si Magdalena Saniel-Cruz.

Programa ito sa ilalim ng Senior Citizens Welfare Act bilang insentibo sa mga 100-year old na mga senior citizens.

Muling nakatanggap ng P50,000.00 si Saniel-Cruz galing sa Cotabato Provincial Government sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office o PSWDO.

Nagbigay naman ng P100,000.00 ang National Commission of Senior Citizens o NCSC, bilang pagtupad sa kanilang mandato na ang lahat ng mga centenarians sa bansa ay bibigyan ng cash incentive mula sa Pamahalaang Pambansa.##(Djallyca Ganancial/ City Government Office)

Read More
LEARNERS

PANGATLONG BATCH NG KSTIAC LEARNERS, GRADUATE NA

Kidapawan City- (July 30, 2025) Nagtapos na sa kanilang pagsasanay ang labin-dalawang mga Learners na napabilang sa ikatlong batch sa Kidapawan Skills Training Institute and Assessment Center sa kanilang Slaughtering Operations Course (Swine NCII), nitong Martes, July 29, 2025.

Labin-dalawang mga indibidwal mula sa Lungsod ng Kidapawan, Midsayap, Davao at Panabo na may pangarap na maging bihasa sa Slaughtering sa ibang bansa ang tumanggap ng kanilang katibayan ng pagtatapos.

Naging kinatawan ni Mayor Pao sa okasyon si City Councilor Jason Roy Sibug, kung saan hinamon nito ang mga graduates na maging disiplinado at maglaan ng dedikasyon sa trabaho saan mang panig ng mundo sila mapadpad.

Nararapat ayon kay Councilor Sibug na ipagmalaki ng mga Kidapaweños ang magandang asal na kanilang natutunan at dalhin ang mga kaugaliang ito sa kanilang pagta-trabaho sa ibayong dagat.

Bukod kasi sa sipag at pagtitiyaga, nakikilala ang mga Kidapaweño dahil sa magandang asal at pagiging masipag sa anumang uri ng trabaho sa bansa man o sa abroad.

Naroon rin sa programa ang mga kinatawan ng Technical Education Skills Development Authority na si Engr. Franklin Beltran, Department of Education- Kidapawan City Division CID Ms. Cherry Cerias, mula naman sa Department of Labor and Employment sa katauhan ni Ms. Mayette Jhen Bumagat at City Veterinarian Dr. Eugene Gornez.

Labis naman ang galak ng mga bumubuo ng KSTIAC, dahil nadagdagan na naman ang bilang ng mga Kidapaweños at mga learners mula sa ibang lugar na may tsansang umunlad at gumanda ang pamumuhay at kinabukasan.(Ryzyl M. Villote/City Information Office)

Read More