ledipo

KIDAPAWAN CITY LEDIPO, NOMINADO SA PRESIDENTIAL RECOGNITION FOR OUTSTANDING DEVELOPMENT PARTNERS NG DTI-MSMED COUNCIL

Kidapawan City- (July 14, 2025) Ang adhikaing matulungan ang mga Micro, Small and Medium Enterprises sa lungsod ng Kidapawan ang isa sa programang ginagawang posible ng Lokal na Pamahalaan ng Kidapawan sa tulong ng Local Economic Development Office ng Lungsod.

Matatandaang nagsasagawa ang LEDIP Office ng mga aktibidad, pagsasanay, pagtitipon ng mga Supplier at MSME gayundin ang taonang Christmas Bazaar, at iba pang mga MSME Bazaar na malaki ang naitutulong sa mga malaliliit na negosyante.

Dito nabigyan sila ng pagkakataon na maipakilala ang kanilang mga produkto at madagdagan ang kanilang kita.

Ang mga pagsisikap na ito ng Lokal na Pamahalaan kasama ang mga kawani at Partner agencies nito, ang isa sa nakikitang dahilan ng Department of Trade and Industry-MSMED Council upang maging kwalipikadong nominado ang City LGU.

Ang pagkilala sa naturang nominasyon ay natanggap ng Kidapawan City LGU noong July 10, 2025 sa pagdiriwang ng Micro, Small, and Medium Enterprise Development Week sa General Santos City.

Mismong si LEDIP Officer Gillan Ray Lonzaga at mga kasamahan nito ang tumanggap ng nasabing parangal, na personal na iniabot ni DTI Regional Director Flora Gabunales.

Sa isinagawang Monday Convocation Program, ay ibinahagi ng LEDIP Office ang tagumpay na ito sa mga Opisyales at lahat ng bumubuo ng Lokal na Pamahalaan ng Kidapawan.

Ang nasabing nominasyon ay bunga ng mga pagsisikap ng Kidapawan City LGU, na maging matagumpay sa kanilang kabuhayan ang mga maliliit na negosyante sa lungsod.##(Ryzyl M. Villote/ City Information Office)

Read More
ssu

PANGALAWANG BATCH NG SUPPLEMENTARY FEEDING PROGRAM, NAIHATID NA SA KIDAPAWAN CITY

Kidapawan City-(July 14, 2025) ISANGDAANG mga daycare centers at labing-isang supervised neighborhood play o SNP sa Kidapawan City ang nakatanggap ng feeding supplies mula sa Department of Social Welfare and Development o DSWD nitong araw ng Lunes, July 14.

Ang mga beneficiaries ay kabilang sa second batch ng supplementary feeding program para sa mga magulang, daycare pupils at child development workers o CDW’s.

Kabilang sa mga ipinamigay sa mga beneficiaries ang bigas, gulay, itlog mga pampalasa, canned goods, karneng manok at tinapay.

Umabot sa 2800 na mga daycare pupils ang nakabenipisyo sa programa.

Layunin ng DSWD at Lokal na Pamahalaan na matulungan ang mga kabataan na magkaroon ng sapat na nutrisyon para sa mapanatili ang kalusugan ng mga bata sa komunidad.##(Djallyca Ganancial/ City Information Office)

Read More
cm

PAGTATAPOS NG PROGRAMA NG DSWD NA TARABASA, DINALUHAN NG ALKALDE NG KIDAPAWAN

Kidapawan City-(July 14, 2025) MALIBAN sa pagpapahalaga sa kalikasan, binigyang prayoridad din ng administrasyon sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Atty. Jose Paolo M. Evangelista ang pagpapabuti sa larangan ng edukasyon sa Kidapawan City.

Patunay ang natanggap na positibong reaksiyon ng pamunuan ng Department of Social Welfare and Development Regional Office-12, sa ginanap na culmination activity ng Tara Basa program ng ahensiya sa City Gymnasium umaga nitong July 14.

Sa pamamagitan ng programang Tara Basa ay matutulungan ang mga elementary learners ng Kidapawan City Division, na maitaas ang literacy rate sa mga darating na mga taon.

Sa kanyang mensahe, pinasalamatan ni DSWD-12 Regional Director Loreto Cabaya ang lokal na pamahalaan na hindi nag atubiling tanggapin ang programa, lalo pa at para ito sa mga kabataang medyo hirap sa pag-unawa sa binabasa.

Tiniyak naman ni Mayor Evangelista, na basta’t para sa kapakanan ng mga learners ng lungsod, hindi ito mangingiming maglalaan ng pondo.

Sa katunayan, nakatakda nang ipamimigay ang tig P500 na subsidy, para sa mga mag aaral ng mga pampublikong paaralan ng Kidapawan sa katapusan ng buwan ng Hulyo.

Asahan naman na sa taong 2026, mula sa P500.00 ay itataas ang subsidy kada learner sa halagang P1, 500.00 batay narin sa mga naunang naipahayag ng alkalde. ##(Williamor Magbanua/ City Information Office)

Read More
dancer

DANCERS MULA KIDAPAWAN CITY, KINILALA NG LOKAL NA PAMAHALAAN

Kidapawan City- (July 14, 2025) Wagi sa nagdaang Tinalak Festival Open Latin Dancesport Championship at Summerball International Dance Festival ang mga mananayaw mula Kidapawan City.

Nasungkit nina Charles Danielle Gases at Latisha Felice Catubig ang Kampyonato sa Summerball International na ginanap sa Newcoast Convention Center sa Boracay, Aklan noong June 30, 2025.

Champion rin sa Tinalak Festival sina Lhea Lumogdang at Ray Alexander Enoc na ginanap naman sa South Cotabato Cultural Center noong July 6, 2025.

Ang kanilang tagumpay, kasama ng kanilang Coach na sa Diodilito Laniton ay kinilala rin ng Lokal na Pamahalaan ng Kidapawan kasabay ang Monday Convocation Program na ginanap ngayong araw.

Patunay ito, na bukod sa larangang Akademiko ay patuloy na namamayagpag rin ang mga kabataang Kidapaweño sa larangan ng pagsasayaw, bagay na lubos na ipinagmamalaki ng LGU-Kidapawan.

Makakaasa ang lahat ng mga Kabataang Kidapaweño, na patuloy na makikiisa at susuporta sa bawat kompetisyon, laban at patimpalak na kanilang sinasalihan ang Kidapawan City LGU kasama ng mga Opisyales at kawani nito.##(Ryzyl M. Villote/ City Information Office)

Read More
sapa

KIDAPAWAN CITY OFFICIALS TUTUTUKAN AT POPONDOHAN ANG PAGBUHAY SA ILOG NUANGAN

Kidapawan City-(July 14, 2025) KUNG sa Pasig ang imposible ay posible. Sa Kidapawan City naman ang namamatay nang ilog Nuangan, ay bubuhaying muli ng city LGU.

Ang usaping pagbuhay sa ilog Nuangan ay napagkasunduan sa isinagawang Capacity Development Session for Newly Elected Officials and Executive Briefing on the State of Local Governance nitong July 11-12, 2025 sa Acacia Hotel, Davao City.

Sinabi ni Mayor Atty. Jose Paolo M. Evangelista, na mahalagang mapreserba ang ilog para masilayan din ito ng mga susunod na henerasyon.

Malaki ang paniniwala ng alkalde na kapag sama-samang kikilos ang Executive at ang Legislative magagawan pa ng paraan na maibalik ang buhay ng ilog Nuangan.

Tiniyak naman ng mga miyembro ng 10th Sanggunian na susuportahan nila ang naturang balakin, dahil naging bahagi narin ng kasaysayan ng Kidapawan ang nasabing ilog.

Maglalaan ng pondo para sa rehabilitasyon ng Nuangan River at gagawa din ng ordinansa, para sakaling magpapalit man ng mga opisyal at liderato, ay maipagpapatuloy ang mga hakbangin na ibalik ang buhay ng nabangit na yamang tubig sa lungsod.

Kabilang sa mga nangakong susuporta si Vice Mayor Melvin Lamata Jr., Councilors Dr. Philbert Malaluan, Dr. Ted Matthew P. Evangelista, Aljo Chris Dizon, Mike Earvin Ablang, Jason Roy Sibug, Carlo Agamon, Galen Ray Lonzaga, Atty. Dina Espina-Chua, Bernardo F. Piñol, Atty. Francis Palmones, ang SK federation President Pearly Jean G. Balgos at ABC President Ricardo Reforial.

Saksi sa nasabing commitment ng mga City Officials ang mga Department Managers na naimibitahan din sa nasabing pagtitipon.##(Williamor Magbanua/ City Information Office)

Read More
BAGO

BAGONG TATAG NA KOOPERATIBA, BINUKSAN NGAYONG ARAW

Kidapawan City- (July 10, 2025) BINUKSAN sa pamamagitan ng isang simpleng programa ang bagong tatag na Migrant and Family Savings Cooperative sa Barangay Binoligan, Kidapawan City nitong araw ng Huwebes, July 10, 2025.

Mismong si City Cooperative Development Officer Lauro Taynan Jr. Ang nanguna sa pagpasinaya nito na sinaksihan naman ng mga opisyal at mga miyembro ng nasabing kooperatiba.

Pinangunahan naman ng mga ministers ng United Church of Christ of the Philip[pines and ginawang dedication rites. Kabilang sa mga nag alay ng panalangin sina Administrative Minister Reverend Geral Fernando at Program Minister Pastor Princess Cris Talaman.

Tiniyak naman ni Taynan na handang tumulong at sumubaybay ang tanggapan ng CCDO, lalo pa sa pagtiyak na maayos ang pagpapatakbo ng mga opisyal at mga miyembro ng kanilang kooperatiba.

Pinasalamatan naman ni cooperative Chairperson Ira I. Vallente, ang lokal na pamahalaang lungsod sa walang sawang suporta sa kanilang adhikain.

Umaasa si Vallente na sa gabay at tulong ng CCDO ay mapapalago nila ang kanilang kooperatiba upang mapakinabangan ito ng mga miyembro sa mga darating na mga araw at mga taon. ##(Leo Umban/ City Information Office)

Read More
jobfair

JOB SEEKERS PUMILA SA ISINAGAWANG JOB FAIR NG CITY GOVERNMENT

KIDAPAWAN CITY – (July 8, 2025) DINAGSA ng daan-daang mga naghahanap ng trabaho ang Job Fair na pinangunahan ng City Government at mga partners nito.

Mga trabaho sa loob at labas ng bansa ang tampok sa aktibidad na isinagawa sa loob ng City Gymnasium umaga ng July 8.

Isa sa mga flagship program ng City Government sa ilalim ng panunungkulan ni City Mayor Atty. Paolo Evangelista, ang job generation para na rin mai-angat ang kabuhayan ng mga mamamayan katuwang ang mga partner agencies at private employers, wika pa ni City Administrator Janice Garcia.

Nagbigay ng mainit na welcome sa mga job seekers si Kidapawan PESO Manager Herminia Infanta bago ang actual na recruitment ng mga aplikante.

Ilan lamang sa mga local employers na naghanap ng mga empleyado ay ang: JEWM Agro-Industrial Corporation, Toyota Kidapawan City, Mediatrix Multi-Purpose Cooperative, DC Invest Incorportaed, Mercury Drug, Philippine Army, Lemana-Toldeo Group of Companies, De Whie Katala Incorported, Central Mindanao Colleges, JAH Trading and Construction, Zenitram Food Hub, Kuya Rey’s Events and Catering Srvices, at VXI Global Holdings BV.

Samantala nagrecruit din ng mga magta-trabaho sa Overseas Employment ang: Placewell International Services Corporation, Clyde International Manpower Corporation, Gatchalian Promotions Talents Pool Incorporated, Mountain Peak International Human Resources Corporation, ERRX Recruitment Consulting, at ONLINE Hiring Corporation.

Nanguna ang City Government sa pamamagitan ng Public Employment Services Office sa Job Fair katuwang ang Department of Labor and Employment, Technical Education and Skills Development Authority,Department of Migrant Workers at ang mga nabanggit na local and overseas employment recruiters. ##(Lloyd Kenzo Oasay/City Information Office)

Read More
vf

BAGONG DOKTOR NG CHO, DAGDAG SA HEALTH FORCES NG CITY LGU

KIDAPAWAN CITY (July 8, 2025) – USAPING PANGKALUSUGAN, ito ang isa sa pangunahing prayoridad ng Lokal na Pamahalaan ng Kidapawan na ihatid sa mga residente nito. Partikular na ang pantay na access sa health services upang mapadali ang paglunas sa mga karamdaman sa mga barangay at maiwasan ang pagsiksikan sa mga ospital sa lungsod.

Upang matugunan ang tumataas na demand sa serbisyong ito, nito lang July 1, 2025, araw ng Martes ay mayroong bagong kasaping doktor ang City Health Office ang tinanggap ng Lokal na Pamahalaan.

Siya ay si James Bacaoco, MD., tubong Kidapawan na nagtapos ng BS Biology sa University of Southern Mindanao Kabacan Campus at ng kursong Medicine mula sa Mariano Marcos State University ng Ilocos Norte.

Si Dr. Bacaoco ay isang iskolar sa ilalim ng Doktor Para Sa Bayan ng Department of Health o DOH at Commission on Higher Education o CHED, at bahagi din ng 119 rural health physicians ng Doctors to the Barrios o DTTB Program na pinadala ng DOH.

Nagcourtesy call si Dr. Bacaoco kay City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista, kasama sina City Councilor Dr. Ted Matthew Evangelista, City Administrator Janice Garcia, DOH-Development Management Officer Heideliza Chio, City Health Officer Jocelyn Encienzo, at Admin Officer Ian Gonzales.

Inaasahan namang mas mapahusay pa ang kalidad ng serbisyong pangkalusugan ng CHO sa mga mamamayan sa pamamagitan ng mga kadalubhasaan ni Dr. Bacaoco.##(Vonkluck Herrera | City Information Office)

Read More
dff

DALAWANG CITY LGU EMPLOYEES NA NAGTAGUMPAY SA CS AT LET EXAMS, PINARANGALAN NG CITY GOVERNMENT

KIDAPAWAN CITY (July 8, 2025) – ISA sa pangunahing layunin ng Lokal na Pamahalaan ng Kidapawan ay ang mahikayat ang mga kawani nito na linangin ang kanilang mga kakayahan upang mas mapaganda ang performance at serbisyong handog ng mga kawani nito sa publiko.

At nito lamang araw ng Lunes, July 7, kasabay ng Convocation Program ng City Government ay pinarangalan sina Enicita Gonzales na kakapasa lang sa Career Professional Examination ng Civil Service Commission, at si Charmalou Paña na kakapasa lang din sa kaparehong pagsusulit at Licensure Examination for Teacher o LET.

Personal namang iniabot ang parangal sa dalawa nina City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista, City Vice-Mayor Melvin Lamata, Jr. at ng mga City Councilor na sina Aljo Cris Dizon, Mike Ablang, Carlo Agamon, Dina Espina-Chua, Dr. Philbert Malaluan, Dr. Ted Matthew Evangelista, Bernardo Piñol, Jr. Judge Francis Palmones, Galen Ray Lonzaga, at Jason Roy Sibug.

Inaasahan naman ng City Government na mas madami pang empleyado nito ang mahimok na mag-aral at linangin ang angking kakayahan at maging bahagi ng Program on Awards and Incentives for Service Excellence o PRAISE na may layong hikayatin, kilalanin, at gantimpalaan ang mga empleyado para sa kanilang mga ambag sa pagiging epektibo, pagtitipid, at pagpapabuti ng mga operasyon ng pamahalaan.##(Vonkluck Herrera | City Information Office)

Read More
ahensiya

MGA AHENSYANG NAKIISA SA TAGUMPAY NG KDAPS 3.0, KINILALA NG LGU-KIDAPAWAN

Kidapawan City- (July 7, 2025) Maaga palang sa ginawang Convocation Program ng City Government Of Kidapawan, sa pangunguna ni City Mayor Atty. Jose Paolo M. Evangelista ay ginawaran ng Sertipiko ang mga katuwang sa pagbuo ng Kabarangayan Dad-An og Proyekto ug Serbisyo o KDAPS ngayong araw ng Lunes July 07.

Sa nabanggit na programa, binigyan ng sertipiko ang mga Local agencies kasama ang National Agencies katulad na lamang ng mga sumusunod: Office of the City Building Officials, City Planning and Development Office, Business Permit and Licensing Office, City Treasurer’s Office, Public Employment and Service Office, Public OFW Desk Office, Department Of Labor and Employment, Department of Agrarian Reform, Office of the City Agriculturist, Office of the City Civil Registrar, Cotabato Electric Cooperative Inc., Public Attorney Office, City Social Welfare Development Office, Bureau of Jail Management and Penology, Philippine National Police, Philippine Statistic Authority, Bureau of Fire Protection, Bureau of Internal Revenue, at Commission on Election.

Ang naturang sertipiko ay simbolo ng pasasalamat sa tagumpay sa proyektong inilunsad ng City Government, na hanggang ngayon ay nagpapatuloy ang pagpaaabot ng serbisyo at programa sa mga Barangay sa lungsod.

Nagpaabot naman ng pasasalamat ang mga nabanggit na Ahensya sa LGU Kidapawan sa matagumpay na pagsasagawa ng KDAPS, mula noon hanggang sa darating pang mga taon. ##(Leo Umban / City Information Office)

Read More