Kidapawan City-(July 28, 2025) Nasa 300 na mga punongkahoy ang naitanim ng mga Board of Directors at mga Opisyales ng Kidapawan City Government Employees Association sa Brgy. Singao, noong araw ng Sabado, July 26, 2025.
Ang nasabing asosasyon ay binubuo ng mga Empleyado ng Lokal na Pamahalaan, na naglalayong maprotektahan at mapangalagaan ang karapatan ng bawat isa.
Ang isinagawa nilang aktibidad ay bilang pakikibahagi na rin sa nagpapatuloy na programang Canopy ’25, na nakapagtanim na ng nasa mahigit 2.8 Million na mga punongkahoy sa ibat-ibang barangay sa lungsod.
Nais ng mga miyembro ng KCGEA na makatulong sa kumonidad, at tila pagtanaw na rin ng utang na loob at pasasalamat sa City LGU na naging malaking bahagi rin ng kanilang kabuhayan.##(Ryzyl Villote/ City Information Office)
KIDAPAWAN CITY – (July 28, 2025) TINURUAN ng tamang pagtugon sa panahon ng insidente, kalamidad, aksidente, o sa kahit malakihang public events ang tatlumput walong mga kawani ng Local Government Unit at partner government agencies.
Nitong July 23-25 ay namulat ang mga kalahok sa kahalagahan ng pagtatayo at pagpapatakbo ng Incident Command System sa tatlong araw na Basic ICS course.
Napakalaki ng pakinabang ng ICS sa mga nabanggit na pangyayari, napagtanto pa ng mga kalahok.
Sa Kidapawan City, ang ICS ay binubuo ng Incident Management Team o IMT na karaniwang pinamumunuan ng Alkalde na magpaplano at magpapatupad ng mga hakbang para tumugon sa tamang paraan at tawag ng panahon.
Pinangunahan ng City Disaster Risk Reduction and Management Office o CDRRMO at ng Office of the Civil Defense o OCD ang Three days seminar workshop na ginanap sa isang hotel sa Barangay Sudapin.
Nagmula ang mga kalahok sa iba’t ibang tanggapan ng City LGU, Philippine National Police, Bureau of Fire Protection at Department of Education.##(Lloyd Kenzo Oasay/City Information Office)
KIDAPAWAN CITY-( July 28, 2025) PATULOY PANG inilalapit ng City Social Welfare and Development Office ang mga serbisyo nito sa mga residente ng malalayong barangay sa lungsod.
Ito ay sa pamamagitan ng CSWDO Desk na inilagay sa mismong Barangay Hall, kung saan ay doon na lang dudulog ang mga mamamayan kaysa bumiyahe pa papuntang sentro ng lungsod.
Sa datos na inilabas ng CSWDO nitong Flag Raising Ceremony at Convocation Program ng City Government umaga ng July 28, nakapagbigay serbisyo ang CSWDO Desk sa mga sumusunod na sektor sa mga barangay: 250 Persons With Disabilities, 558 Senior Citizens, at 60 Solo Parents.
Tumulong din ang CSWDO na mag organisa ng 4 PAG-ASA Youth Associations, 8 Barangay Children’s Associations, 3 Men Opposed VAW Everywhere (MOVE) groups, at 4 na CSWDO Community Voulnteers.
Habang nasa 52 naman ang isinagawang disaster related home validations.
Sakop ng Partial Accomplishment ng CSWDO ang mga buwan ng Enero hanggang sa kasalukuyan.
Patuloy namang nananawagan ang CSWDO sa lahat na makipag-ugnayan sa kani-kanilang Desk sa barangay upang makatanggap ng tulong at serbisyo. ##(Lloyd Kenzo Oasay/City Information Office)
Kidapawan City-(July 27, 2025) IPINAGMAMALAKI ng Kidapawan City ang isa nitong residente na unti-unti nang nakikilala sa larangan ng boksing sa Estado Unidos.
Si Jerick Padsing, 26 na taong gulang. Tatlong taon lamang siya nang lisanin ng kanyang pamilya ang Kidapawan City at nanirahan sa Amerika.
Sa loob ng dalawang dekadang pananatili sa Amerika, nahubog ang kanyang galing sa larong boksing. First love ni Padsing ang football, pero nagka interes ito sa boksing dahil idolo nito ang 8 Division People’s Champ na si Manny Pacquiao.
Ibinuhos nito ang kanyang makakaya, at buong puso na nag training hanggang sa maging professional boxer ito sa America.
Sa katunayan, hawak lang naman niya ang titulong Superflyweight Division Championship Belt kung saan nakapagtala ito ng record na 6-wins, walang talo at 3 knockouts.
Ang huling laban nga nito, hindi paman natatapos ang first round napatulog na nito ang kalaban.
Si Padsing ay pagkakalooban ng Certificate of Commendation kasabay ng gagawing flag raising ng City Government of Kidapawan bukas , araw ng Lunes ( July 28).
Umuwi ng Pilipinas, partikular sa Kidapawan City ang kampeon, dahil nais nitong makiisa sa darating na Timpupo Festival ng lungsod na magsisimula sa August 17 at magtatapos sa August 24. ##(Williamor Magbanua| City Information Office)
Kidapawan City-(July 25, 2025) Ipinagmamalaki ng Kidapawan Skills Training Institute and Assessment Center na isa sa kanilang mga 2nd batch trainees, ang kauna-unahang graduate nila na natanggap na sa United Kingdom bilang Swine Slaughterer.
Si Jayvee Lavilla na residente ng Brgy. Manongol, Kidapawan City ay sumailalim sa Slaughtering Operations Training sa KSTIAC kamakailan.
Buo ang pagsuporta ng Lokal na Pamahalaan at ng mga bumubuo sa KSTIAC sa bagong yugtong tatahakin ni Lavilla sa ibang bansa.
Ang kanyang karera sa nabanggit na lugar ay bunga na rin ng kanyang pagsisikap, tiyaga, at determinasyon na maaabot ang kanyang mga pangarap sa tulong na rin ng Lokal na Pamahalaan.
Umaaasa ang Kidapawan City LGU, na mas marami pang mga katulad ni Lavilla ang makapagtrabaho na rin sa mga kompanya sa ibang bansa kung saan nila nais ipagpatuloy ang kanilang nasimulan sa KSTIAC.##(Ryzyl M. Villote|City Information Office)
Kidapawan City-(July 25, 2025) KINILALA ng National Commission of Senior Citizens (NCSC) ang naging papel ng mga senior citizens na kahit nasa dapit hapon na ng kanilang buhay ay mahalaga parin ang naging ambag ng mga ito sa lipunan.
Kaisa ang Lokal na Pamahalaan ng Kidapawan, City Social Welfare and Development Office at ang Office of the Senior Citizen o OSCA, pinangunahan nila ang Cash Gift Distribution para sa mga Octogenarians at Nonagenarians nitong araw ng Biyernes na ginanap sa City Convention Center.
Nasa P10, 000.00 ang natanggap ng nasa 157 na mga senior citizens na may edad mula 80 hanggang 95 na taong gulang. Mula sila sa ibat-ibang mga barangay ng Kidapawan City.
Ang nabanggit na distribusyon ay isinagawa alinsunod sa Republic Act 11982 o Expanded Centenarian Act of 2024.
Layunin nitong makatulong sa pinansyal na pangagailangan ng mga senior citizens at bilang pagkilala rin sa kanilang mga naging kontribusyon sa Lungsod.##(Djallyca Ganancial/ City Information Office)
Kidapawan City-(July 24, 2025) Nagsimula nang magpa miyembro ang mga mag-aaral ng Kidapawan City National High School sa Luntian Kidapawan Young Savers Club.
Isang Memorandum Of Agreement sa pagitan ng LKYSC kasama ng Department of Education-Kidapawan City Division, mga Partner Cooperatives nito, ang nilagdaan sa Kidapawan City Hall lobby nitong buwan ng Abril.
Layunin ng membership ng mga mag aaral mula sa KCNHS, na maisakatuparan o turuan ang mga bata sa murang edad na makapag-ipon.
Mismong ang mga naitalagang Opisyales ng Kooperatiba ang nanguna at nangasiwa sa membership registration ng nasa limampung(50) mga mag-aaral ng Kidapawan City National High School.
Inaasahang mas dadami pa ang bilang ng mga magpamiyembro sa darating na mga araw, dahil patuloy pang nagre-recruit ng mga bagong miyembro ang LKYSC.
Hinihikayat naman ng mga Opisyales ang lahat ng mag-aaral sa lungsod, na mag ipon habang maaga pa upang may madudukot sila sa oras ng pangangailangan. ##(Leo Umban / City Information Office)
Kidapawan City-(July 24, 2025) Bilang bahagi ng programa para malabanan ang mga sakit na kadalasang kumakalat tuwing panahon ng tag-ulan, ay nagsagawa ng Fogging Operation ang mga kawani ng City Disaster Risk Reduction Management sa Brgy. Onica kamakailan.
Ang Fogging ang isa sa mga hakbang na isinasagawa upang malabanan ang sakit na dala ng kagat ng lamok tulad na lamang ng Dengue at Malaria.
Ilan sa naging prayoridad ng CDRRMO ang Onica Elementary School, Onica National Highschool at ang mga Daycare Centers na nasa Purok Lanzones, Mangga at Santol.
Sa paraang ito mababawasan ang pangamba ng mga magulang, mag-aaral at mga residente sa banta ng mga nabanggit na sakit.
Patuloy naman ang panawagan ng City Health Office at CDRRMO sa lahat na panatilihin ang kalinisan sa kanilang paligid upang maka iwas sa nakamamatay na dengue fever.##(Ryzyl M. Villote/ City Information Office)
Kidapawan City-(July 24, 2025) Bakas ang ligaya sa mga mukha ng apat na magsing-irog matapos silang ikasal ng City Government nito lamang araw ng Huwebes, July 24 sa City Convention Center.
Mismong si City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista ang nanguna bilang Solemnizing Officer sa mga ikinasal.
Paalala ni Mayor Pao sa mga magpares na ang kontrata ay hindi nakasulat sa papel, kundi sa puso, kasama ang pangakong mamahalin ang isa’t isa nang walang kondisyon o expiration na siselyuhan ng kanilang unang halik.
Napuno naman ng kilig ang bulwagan, gawa ng naisakatuparan na sa wakas ang matagal ng hangad ng mga magsing-irog na maipakasal.
Bilang pakikiisa naman sa pagdiriwang ay naghandog din ang City Government ng libreng wedding singer, host, venue at decorations, at regalo sa mga bagong kasal.
Inaasahan naman ng City Government na maging tulay sa pagtataguyod ng isang matibay na sambahayan at pamayanan ang ginagawa nitong libreng kasalan para sa mga magpares na gustong maging legal ang pagsasama.##( Vonkluck Herrera | City Information Office)
Kidapawan City-(July 23,2025) ‘’If you really love the environment, show these through your actions.” Ito ang mga katagang binitawan ni Mayor Pao sa mga Tri-people youth na nakiisa sa Karon Youth Training na ginanap sa Notre Dame of Kidapawan College (NDKC) Student Center nitong nakaraang July 20, 2025.
Tila pahiwatig ang katagang ito hindi lamang sa mga partisipante kundi maging sa mga lider ng Sangguniang Kabataan sa Kidapawan City.
Hinamon kasi ni Mayor Pao ang mga SK officials sa 40 mga barangay ng Kidapawan, na makiisa sa kanyang kampanya para sa pag preserba at pangangalaga sa mga Likas na Yaman ng lungsod.
Ayon sa alkalde, dapat ay gamitin ng mga SK officials ang kanilang pondo para isulong ang kagandahan at kalinisan ng kanilang nasasakupan.
Mas mainam daw ayon kay Mayor Pao na ituon ng mga kabataang lider ang kanilang programa sa mga clean-up drive, tree growing, Materials Recovery Facility (MRF), upcycling ( the process of transforming discarded materials or products into something of higher quality or value), composting at pagsasabuhay muli ng mga ilog.
Ang pangangalaga sa Kalikasan kasi ang isa sa mga priority program ng City government kaya puspusan din ang pagsisikap na makapagtanim ng mga puno sa mga bakanteng lugar sa lungsod.
Sa katunayan ang programang Canopy ‘25 ay isang patunay na kung seseryusohin lang ng mga namumuno sa pamahalaan ang bagay na ito, ay hindi malayong maibalik ang ganda at ang unti-unti nang naglalahong mga mayayabong na kagubatan.
Bawat isa ay dapat na makialam at makiisa dahil ang pagpapahalaga sa Kalikasan ay mahalang gampanin hindi lang ng mga halal na opisyal bagkus maging ng mga ordinaryong mamamayan.
Sa ilalim ng programang Canopy ‘25 ang lokal na pamahalaan katuwang ang mga pribadong sektor at ang simbahan ay nakapagtanim na ng nasa 3 milyong mga puno sa ibat-ibang lugar ng Kidapawan.##(Williamor Magbanua/City Information Office)