KALUSUGAN SA PANINGIN AT PANDINIG LIBRENG SERBISYONG IBINIGAY NG CITY GOVERNMENT SA MGA SENIOR CITIZENS
KIDAPAWAN CITY – (July 30, 2025) ITINATAGUYOD sa kasalukuyan ng City Government ang mga programang nakasentro sa kalusugan sa paningin at pandinig para sa mga Senior Citizens.
Malimit na kasing suliranin ng mga nakatatanda ang paglabo ng paningin at kung minsa’y halos o hindi na makarinig dala na rin ng kanilang edad.
Kaya nagpatupad ang City Government ng programang Libreng Antipara para kay Lolo at Lola na nagbibigay ng libreng salamin sa mata, Eye Screening for Cataract and Ptygerium at Ear Care Program.
Mula buwan ng Enero hanggang Hunyo ng taong kasaluyan, 600 na mga Senior Citizen ang nabigyan ng libreng salamin sa mata.
Tatlumpu at isa na mga pasyenteng Senior Citizens ang naoperahan sa Cataract at 6 naman sa Ptygerium.
Habang 95 naman ang ginamot dahil sa kanilang diperensya sa pandinig.
Sa pamamagitan nito ay natutugunan ang hinaing ng mga nakakatanda sa kanilang kalusugan.
Partners ng City Government ang Gapul Optical Clinic, Deseret Ambulatory Hospital at si Dr. Bryant Martinez, MD sa naturang mga programang laan sa mga Senior Citizens.##(Lloyd Kenzo Oasay/City Information Office)