MAKASAYSAYANG PAGTATANIM NG IKA-2.5 MILYONG PUNONG KAHOY, ISINAGAWA SA CITY PLAZA

KIDAPAWAN CITY (February 7, 2025) – Kasabay ng paggunita sa ika-27th Charter Day Celebration sa lungsod nito lamang araw ng Biyernes, February 7, ay isinagawa ang pinakamakasaysayang symbolic planting ng ika-2.5 milyong punong kahoy ng Canopy ‘25 project na sinimulang ilunsad, dalawang taon na ang nakalipas.
Matatandaang noong Ika-21 ng Pebrero, taong 2023 ay inilunsad ng City Government of Kidapawan sa pangunguna ni City Mayor Atty. Jose Paolo M. Evangelista ang Canopy ’25, sa may Brgy. Ginatilan ng lungsod na may layuning makapagtanim ng dalawang milyon at limang daang libong punong kahoy sa lungsod upang mapanumbalik ang sigla ng kalikasan at maiwasan ang pagbagsak ng kalidad at pagkasira nito sa pakikipagtulongan ng iba’t-ibang mga sektor at grupo ng lipunan.
Lubos namang nagalak ang lahat ng nakilahok sa programa dahil lumagpas pa ng 100,000 ang layunin nitong bilang na maitanim na punong kahoy para sa darating na henerasyon.
Giit naman ni City Mayor Atty. Jose Paolo M. Evangelista na ito ang pinakamakabuluhang investment ng mga Kidapaweño para sa kinabukasan at patunay ito na kapag may pagkakaisa, lahat ng adhikain ay kaya.
Dagdag pa nya na ang Kidapawan ang may pinakamaraming naitanim na punong kahoy sa buong bansa sa loob lamang ng dalawang taon kung ihahambing ito sa million trees program na may layong makapagtanim ng isang milyong punongkahoy sa buong bansa sa loob ng limang taon.
Dinaluhan ang aktibidad nina City Councilors Mike Ablang, Galen Ray Lonzaga, LIGA President Ricardo Reforial, CENRO Edgar Paalan, PENRO Radzak Sinarimbo, Matalam CENRO, MKWD General Manager Atty. William Angos, City Cooperative Council Chairman Joel Vilvestre, MANP-PAMO Asst. PASU Forester Junifer Baluran, mga department managers, at mga empleyado ng City Government.
Inaasahan naman ni Mayor Pao na magsilbing inspirasyon ito sa mga Kidapaweño, gayundin sa mga karatig na lugar na ipagpatuloy ang adbokasiya sa pangangalaga sa kalikasan.###(Vonkluck Herrera | City Information Office)


