LIBRENG BIRTH REGISTRATION PARA SA MGA KIDAPAWEÑO, INILUNSAD NG CITY GOVERNMENT OF KIDAPAWAN

KIDAPAWAN CITY- (July 18, 2025) Isa sa mga pangunahing balakid sa pagtanggap ng mga benepisyo ng gobyerno ay ang kakulangan sa papeles, partikular na ang katibayan sa pagkakakilanlan kagaya ng birth certificate. Kung kaya at ang mismong tanggapan na ng City Civil Registrar ang lumapit sa mga barangay upang ihandog ang libreng birth registration sa mga mamamayan ng lungsod na wala pa nito.
Isinagawa ang launching ng nasabing programa nito lamang araw ng Lunes, July 14, na may temang, “Identity is a right. Access must be free”, sa Barangay Singao na pinangunahan ni City Civil Registrar Officer Atty. Christopher Cabelin, kung saan abot sa apatnapung (40) indibidwal ang nakinabang.
Ayun kay Atty. Cabelin, ang inisyatibong ito ay ang pinakaunang bilin ni City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista sa kanya, matapos syang maitalaga sa posisyon nito lamang Hulyo, na naging posible sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng CCR sa Philippine Statistic Authority o PSA.
Dagdag pa niya na gagawin ding libre ng kanyang tanggapan ang notarization ng Certificate of Live Birth at Affidavit of Two Disinterested Persons, gawa ng siya din naman ay abogado, gayundin ang delivery ng mga birth certificate sa mga pintuan ng mga recipient, sampung (10) araw pagkatapos itong mapost.
Bibigyan naman ng tatlong araw ang mga tumanggap upang iwasto ang mga detalye na nasa kanilang Birth Certificate, saka ito isumite sa Central Office ng PSA.
Bilang tugon naman sa panawagan ng City Government ay ginawang libre ni Punong Barangay Eduardo Loma ang pagbigay ng Barangay Certificate of Residency at Indigency, para sa mga nais makinabang sa nabanggit na programa.
Samantala, nakatakda namang bumisita ang CCR sa Brgy. Amas sa darating na July 31, 2025, at Brgy. Junction sa August 6, 2025 upang ihatid ang kaparehong serbisyo. Kailangan lang nilang ihanda ang kanilang Affidavit of Two Disinterested Persons, Omnibus Certification, at Certificate of Indigency.##(Vonkluck Herrera | City Information Office)