MAHIGIT ISANDAANG INDIBIDWAL, NASITA SA ANTI SMOKING AND VAPING ORDINANCE SA KIDAPAWAN CITY

Kidapawan City- (August 7,2025) Mas maraming indibidwal ang nasita dahil sa paggamit ng vape at paninigarilyo sa mga pampublikong lugar sa Kidapawan City nitong huling dalawang linggo ng Hulyo ng kasalukuyang taon, base na rin sa pinakahuling Apprehension Report mula sa Kidapawan City Anti-Vice and Regulations Unit at Business Permit and Licensing Office.
Ayon sa pinakahuling ulat, umabot sa 111 ang nabigyan ng Citation tickets dahil na rin sa nasabing paglabag sa “No Smoking Ordinance” ng lungsod.
Mula sa kabuuang bilang ng mga nasita, nasa 40 indibidwal ay residente ng kalapit na mga Munisipalidad tulad na lamang ng Magpet, President Roxas, Makilala, Matalam at Pikit. May iilan ding mula naman sa Davao Region.
Isa sa nakikitang dahilan ng pagtaas ng bilang mga nasita ay dahil na rin sa mas mahigpit na kampanya ngayon ng Lokal na Pamahalaan laban sa paninigarilyo, at sa paghimok na rin ng City LGU sa mga Barangay Officials na mas maging mapagmatyag sa mga naninigarilyo sa mga pampublikong lugar na kanilang nasasakupan.
Kalusugan ng nakararami ang nakasalalay sa pagpapatupad ng kampanyang ito, kaya naman mas nagsisikap ang mga kawani Lokal na Pamahalaan na ipagpatuloy ang mga isinasagawa nilang hakbang kontra sa usok na ibinubuga ng mga smokers.##(Ryzyl M. Villote/City Information Office)