EMPLEYADO NG CENRO NA NAGSAULI NG CELLPHONE NAKATANGGAP NG PAPURI ONLINE

Kidapawan City-(August 6, 2025) KUNG matapat ka sa maliit na bagay, walang duda na mas mapagkakatiwalaan ka sa malaking bagay na iniaatang sa iyo bilang isang lingkod bayan.
Pinatunayan ito ng isang manggagawa ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO)ng Kidapawan City na nagsauli ng napulot na mobile phone habang malapit sa isang hotel kahapon.
Nangongolekta ng basura si Rommel Hilot, nang may napulot itong cellphone sa bahagi ng AJ Hi-Time Hotel at St. Peregrine Hospital. Sa halip na itago ang napulot na mobile phone, isinauli niya ito sa noon ay balisang-balisa na may ari.
Boarder ni Ms. Rorie Reforma Roxas-Politud ang may ari ng nakitang cellphone.
Kuwento ni Ms. Politud, taga probinsiya ng Maguindanao ang may ari at nasa Kidapawan City ito upang mag review sa nalalapit na Licensure Examination for Teachers (LET).
Hindi na raw nagawang magpakilala ang may ari dahil sa sobrang tuwa nito. Nasa nawawalang cellphone kasi niya ang mga dokumentong kakailanganin niya para sa pagkuha ng pagsusulit.
Sa katunayan, PASASALAMAT lamang kay Sir Rommel ang nasambit nito. Wala din daw kasi itong maibibigay na pabuya dahil kapus din sa kanyang review at pinansiyal na kalagayan.
Muling napatunayan ni Sir Rommel na ang pagiging tapat bilang lingkod bayan na ikinintal ng mga namumuno sa City Government ay matutumbasan kahit man lang sa mga katagang…SALAMAT at walang katapusang PASASALAMAT.
Mabuhay ka Sir Rommel Hilot, nawa ay tularan ka ng iba pang mga lingkod bayan dahil sa iyong KATAPATAN kahit paman maging ikaw ay kapus din sa buhay.##(William Magbanua/City Information Office)