GALING SA PAGBIBISEKLETA NG ISANG KIDAPAWEÑO, IPINAMALAS SA CEBU CITY

Kidapawan City – (August 4, 2025) Kung pagalingan lang naman sa pagbibisekleta ang pag-uusapan, hindi pahuhuli diyan ang taga Kidapawan City na nasungkit ang hindi lang isa kundi apat na kampeonato sa katatapos lang na BMX Cebu 2025 Competitions.
Si Jhemson Alonzo, tubong Kidapawan City at empleyado ng Cotabato Electric Cooperative (COTELCO) kinilala bilang kampeon sa BMX Longest Gap, Highest Bunny Hop, Best Rail at tinanghal bilang 2nd Place sa Pro category.
Ibinuhos ng manlalarong si Alonzo ang kanyang lakas at galing upang talunin ang iba pang mga kalahok sa patimpalak na mula sa ibang mga bayan ng Visayas at Mindanao.
Nitong Lunes (August 4, 2025), ginawaran ng pagkilala si Alonzo at pinalakpakan ng mga empleyado ng City Government kasabay nang isinagawang flag raising ceremony.
Hindi rin maitago ang galak ng mga opisyal ng Kidapawan habang iniabot sa kampeon ang Sertipiko ng Pagkilala mula sa Lokal na Pamahalaan.
Patunay na ang Kidapawan City ay mayaman sa mga magagaling na potensiyal hindi lang sa turismo, negosyo kundi maging sa pagkakaroon ng mga mahuhusay sa larangan ng ibat-ibang isports. (##Leo Umban / City Information Office)