VM LAMATA: SAMA-SAMANG PAGKILOS NG MGA MIYEMBRO NG BAWAT GRUPO SA KIDAPAWAN SUSI SA MAGANDANG KINABUKASAN

Kidapawan City-(July 30, 2025) KUNG ang lahat ay magtutulungan at makikiisa, ang mga gawaing mabibigat ay talaga namang gumagaan at nakakatulong pa para sa mga aktibong miyembro ng anumang assosasyon.
Ito ang napatunayan ni City Vice Mayor Melvin Lamata Jr., nang sinimulan nitong bigyan ng maliit na pagkakakitaan ang ibat-ibang grupo sa lungsod ng Kidapawan.
Nito nga lang araw ng Lunes, personal na dinaluhan ng bise alkalde ang pagpupulong ng mga miyembro ng Overland Terminal TODA at Talisay Street Community Managed Saving Credit Association.
Ang dalawang organisasyong ito ay ilan lang sa napakaraming mga grupo na nakabiyaya ng ‘Bigasan sa Barangay’ na programa ni Vice Mayor Lamata, na naglalayong paunlarin at turuan na makapag ipon ang mga miyembro nito.
Mula sa maliit na puhunan ay napalago ng mga opisyal at mga miyembro nito ang kanilang livelihood project dahilan upang muli ay makatanggap sila ng karagdagang kapital mula sa mismong Bise Alkalde ng lungsod.
Samantala, naging matagumpay rin ang hog dispersal project na ipinagkaloob naman sa mga women’s organization at mga purok members.
Nakatulong ang programang ito upang kahit papano ay mai-angat ang antas ng pamumuhay ng mga miyembro, na matiyagang nagbuhos ng panahon at pawis para mapalago ang mga programang ipinagkaloob sa kanila ng libre ng mga opisyal ng Kidapawan.
Ayon kay Vice Mayor Lamata ang kanyang programa ay nagsisilbi naring tulong sa mga Kidapaweños na nagnanais na gumanda ang buhay sa hinaharap.
Naka angkla din daw ang programa sa ipinapatupad naman ng City Government, na naglalayong turuang maghanap ng paraan ang mga kababayan kaysa sa umasa sa pansamantalang ayuda mula sa pamahalaan.##(Williamor Magbanua/City Information Office)