ANAK NG KIDAPAWAN NAMAMAYAGPAG SA BOKSING SA AMERICA

Kidapawan City-(July 27, 2025) IPINAGMAMALAKI ng Kidapawan City ang isa nitong residente na unti-unti nang nakikilala sa larangan ng boksing sa Estado Unidos.
Si Jerick Padsing, 26 na taong gulang. Tatlong taon lamang siya nang lisanin ng kanyang pamilya ang Kidapawan City at nanirahan sa Amerika.
Sa loob ng dalawang dekadang pananatili sa Amerika, nahubog ang kanyang galing sa larong boksing. First love ni Padsing ang football, pero nagka interes ito sa boksing dahil idolo nito ang 8 Division People’s Champ na si Manny Pacquiao.
Ibinuhos nito ang kanyang makakaya, at buong puso na nag training hanggang sa maging professional boxer ito sa America.
Sa katunayan, hawak lang naman niya ang titulong Superflyweight Division Championship Belt kung saan nakapagtala ito ng record na 6-wins, walang talo at 3 knockouts.
Ang huling laban nga nito, hindi paman natatapos ang first round napatulog na nito ang kalaban.
Si Padsing ay pagkakalooban ng Certificate of Commendation kasabay ng gagawing flag raising ng City Government of Kidapawan bukas , araw ng Lunes ( July 28).
Umuwi ng Pilipinas, partikular sa Kidapawan City ang kampeon, dahil nais nitong makiisa sa darating na Timpupo Festival ng lungsod na magsisimula sa August 17 at magtatapos sa August 24. ##(Williamor Magbanua| City Information Office)