47TH NATIONAL DISABILITY RIGHTS WEEK, IPINAGDIWANG SA LUNGSOD NG KIDAPAWAN

Kidapawan City- (July 28, 2025) PAGPALAGANAP ng kamalayan at pagtanggap sa mga Persons with Disabilities, ang naging sentro sa pagtatapos ng pagdiriwang ng 47th National Disability Rights Week nitong araw ng Lunes, July 28, 2025.
Daan-daang mga Persons with Disabilities mula sa ibat-ibang barangay ng Kidapawan ang nagtipon sa City Gymnasium, upang sila ay kilalanin at ipadama na kahit may kapansanan ay parte rin sila ng komunidad.
Pinangunahan ng Lokal na Pamahalaan ng Kidapawan, Persons with Disability Affairs Office o PDAO at City Social Welfare and Development Office o CSWDO ang programa.
Katuwang din ang iba’t ibang mga ahensya tulad ng Technical Education and Skills Development Authority, Department Of Labor and Employment, at Department of Agrarian Reform na tumututok sa adbokasiyang pagkakapantay-pantay, inklusibong serbisyo, at pagbibigay ng dignidad sa mga ito.
Ayon naman kay National Council on Disability Affairs Representative Dr. Mark Anthony Barroso Inocencio, ang pagdiriwang na ito ay paalala na ang mga may kapansanan ay may mahalagang gampanin sa lipunan at karapat-dapat na makamit ang pantay na oportunidad sa buhay.
Isa rin sa highlights ng nasabing programa ang pagbibigay ng Financial Aid Assistance (Stipend) para sa 216 na mga Heads of the Family mula sa Indigent Sector ng Assosasyon.
Nasa P3,000.00 ang kabuuang halaga na kanilang natanggap para sa unang semestre ng taong 2025.
Iginawad rin sa ilang mga personalidad ang Apolinario Mabini Awards na kumikilala sa mga indibidwal na malaki ang naiambag upang mas mapabuti ang buhay ng mga PWD’s. Gayundin ang mga Most Functional PWD Associtaion sa lungsod.
Hindi lamang naka sentro ang selebrasyon sa pagkilala sa kontribusyon ng mga PWD, kundi upang mapalakas pa ang suporta para sa lipunang pantay at inklusibo para sa lahat.##(Djallyca Ganancial/City Information Office)