SK OFFICIALS HINAMON NI MAYOR PAO NA MAKIALAM SA PAG PRESERBA NG KALIKASAN

Kidapawan City-(July 23,2025) ‘’If you really love the environment, show these through your actions.” Ito ang mga katagang binitawan ni Mayor Pao sa mga Tri-people youth na nakiisa sa Karon Youth Training na ginanap sa Notre Dame of Kidapawan College (NDKC) Student Center nitong nakaraang July 20, 2025.
Tila pahiwatig ang katagang ito hindi lamang sa mga partisipante kundi maging sa mga lider ng Sangguniang Kabataan sa Kidapawan City.
Hinamon kasi ni Mayor Pao ang mga SK officials sa 40 mga barangay ng Kidapawan, na makiisa sa kanyang kampanya para sa pag preserba at pangangalaga sa mga Likas na Yaman ng lungsod.
Ayon sa alkalde, dapat ay gamitin ng mga SK officials ang kanilang pondo para isulong ang kagandahan at kalinisan ng kanilang nasasakupan.
Mas mainam daw ayon kay Mayor Pao na ituon ng mga kabataang lider ang kanilang programa sa mga clean-up drive, tree growing, Materials Recovery Facility (MRF), upcycling ( the process of transforming discarded materials or products into something of higher quality or value), composting at pagsasabuhay muli ng mga ilog.
Ang pangangalaga sa Kalikasan kasi ang isa sa mga priority program ng City government kaya puspusan din ang pagsisikap na makapagtanim ng mga puno sa mga bakanteng lugar sa lungsod.
Sa katunayan ang programang Canopy ‘25 ay isang patunay na kung seseryusohin lang ng mga namumuno sa pamahalaan ang bagay na ito, ay hindi malayong maibalik ang ganda at ang unti-unti nang naglalahong mga mayayabong na kagubatan.
Bawat isa ay dapat na makialam at makiisa dahil ang pagpapahalaga sa Kalikasan ay mahalang gampanin hindi lang ng mga halal na opisyal bagkus maging ng mga ordinaryong mamamayan.
Sa ilalim ng programang Canopy ‘25 ang lokal na pamahalaan katuwang ang mga pribadong sektor at ang simbahan ay nakapagtanim na ng nasa 3 milyong mga puno sa ibat-ibang lugar ng Kidapawan.##(Williamor Magbanua/City Information Office)