KDAPS 4.0 BALIK SERBISYO NA, BRGY. NEW BOHOL UNANG BINISITA

Kidapawan City-(July 23, 2025) Maaliwalas man ang panahon, naging mainit naman ang pagsalubong ng mga residente ng barangay New Bohol, sa mga kawani ng programang Kabaranggayan Dad-An Ug Proyekto Og Serbisyo o KDAPS nitong araw ng Huwebes, July 23, 2025.
Dinaluhan mismo ni City Mayor Pao Evangelista, ang okasyon kung saan ay nagpaabot ito ng pasasalamat sa mga Kidapaweño sa tagumpay na naabot ng KDAPS sa loob ng kanyang termino. Kaya naman sa pagsisimula nito, una ngang naging destinasyon nito ang nabanggit na barangay .
Ayon sa alkalde, mismong ang Lokal na Pamahalaan ang magtutungo sa mga barangay upang ilapit mismo sa mga tao ang ibat-ibang serbisyo publiko.
Ilan sa mga residente na naka benepisyo sa KDAPS sina Lioniza Javier Duran, Felicidad Luceranas at Milagros Embodo, kung saan napagsilbihan sila ng mga kawani ng Philippine Statistic Authority (PSA), Office of the City Veterinary (OcVet) at Eye Check-up para sa libreng salamin.
Malaking ginhawa ito para sa kanilang tatlo dahil sa halip na magtungo sila sa sentrong bahagi ng Lungsod, ay ang mismong serbisyo na ng mga tanggapan ng pamahalaan ang pumupunta sa kanilang barangay.
Nagpaabot naman ng pasasalamat ang mga residente at mga opisyal ng New Bohol sa lokal na pamahalaan at sa partner agencies ng KDAPS, na naglaan ng oras at panahon upang tugunan ang mga suliranin na kinakaharap ng mga mamamayan ng nasabing barangay. ##(Leo Umban / City Information Office)