ORDINANSANG NAGBABAWAL NG PAGBEBENTA NG MGA UNHEALTHY FOODS AT INUMIN MALAPIT SA PAARALAN, IPINANUKALA NG BATANG KONSEHAL SA KIDAPAWAN

Kidapawan City- (July 22, 2025) IMINUNGKAHI ng bagitong konsehal sa Sangguniang Panlungsod ng Kidapawan ang pagbuo ng Joint Task Force on Child Nutrition and Food Safety, na siyang tututok para sa kalusugan ng mga kabataan at mga magulang sa lungsod.
Nitong Lunes, ipinasa ni City Councilor Dr. Ted Padilla Evangelista ang Ordinance No. 012, Series of 2025 na nagtatakda ng 100-Meter Healthy Buffer Zones sa mga paaralan laban sa mga unhealthy foods at mga inumin.
Layunin ng panukala na proteksyonan ang kalusugan ng mga mag- aaral at isulong ang tamang nutrisyon para sa malusog na kinabukasan at ng Kidapawan sa pangkalahatan.
Napapansin daw kasi ni Doc Ted na talamak ang bentahan ng mga unhealthy foods at mga inumin sa paligid ng mga paaralan, na mas madalas namang tinatangkilik ng mga estudyante kahit pa salat ang mga pagkaing ito sa tamang nutrisyon.
Sakaling maging batas ang panukala ni Doc Ted, bawal nang magbenta ng mga junk foods at mga inuming walang sustansiya, isangdaang metro ang layo sa mga paaralan.
Ayon kay Doc Ted, mahalaga ang kalusugan ng mga mag-aaral sa pagkakaroon ng maayos at produktibong kalusugan at kinabukasan.
Ang nasabing proposed ordinance ni Doc Ted ay suportado naman nina City Councilors Dr. Philbert Malaluan, Jason Sibug, Galen Ray Lonzaga at Michael Earvin Ablang.##(Williamor Magbanua/City Information Office)