CASUAL WORKERS NG KIDAPAWAN CITY HALL MAAARI NG MAGING REGULAR SA 2026–AJPME

Kidapawan City-(July 15, 2025) MAGANDANG balita ang hatid ni City Mayor Atty. Jose Paolo M. Evangelista, para sa mga Casual employees ng Kidapawan City Government.
Sa darating kasi na taong 2026, ang mga empleyadong nasa casual position ay may pagkakataon nang maging regular na lingkod bayan.
Inanunsiyo ito ni Mayor Evangelista, sa isinagawang convocation program nitong araw ng Lunes, July 14, kung saan binigyang diin nito ang kahalagahan ng mga mangagawa sa Lokal na Pamahalaan na nagsilbi na sa loob ng mahabang panahon.
‘’Within our term, ang atong mga qualified na mga casual employees atua nang ipa-regular tanan,’’ wika ng alkalde.
Nauna nang sinabi ni Mayor Evangelista sa isinagawang Capacity Development Session For Newly Elected Officials and Executive Briefing On The State Of Local Governance, na ginanap sa Davao City na ayaw nitong nagagamit sa politika ang mga casual employees ng pamahalaan.
Sa datus mula sa City Human Resource Management Office (CHRMO), mayroong 63 (animnapu’t-tatlong), mga casual employees ang city government.
Sinabi ni Rose Astudillo, ang City Human Resource Management Officer, na karamihan sa mga casual workers ay mahigit sampung taon nang nagseserbisyo sa gobyerno.
Pumasa narin ang mga ito sa pagsusulit ng Civil Service Commission (CSC), kaya kwalipikado sila para sa proposed regularization sa taong 2026.##(Williamor Magbanua/ City Information Office)