DALAWANG CITY LGU EMPLOYEES NA NAGTAGUMPAY SA CS AT LET EXAMS, PINARANGALAN NG CITY GOVERNMENT
KIDAPAWAN CITY (July 8, 2025) – ISA sa pangunahing layunin ng Lokal na Pamahalaan ng Kidapawan ay ang mahikayat ang mga kawani nito na linangin ang kanilang mga kakayahan upang mas mapaganda ang performance at serbisyong handog ng mga kawani nito sa publiko.
At nito lamang araw ng Lunes, July 7, kasabay ng Convocation Program ng City Government ay pinarangalan sina Enicita Gonzales na kakapasa lang sa Career Professional Examination ng Civil Service Commission, at si Charmalou Paña na kakapasa lang din sa kaparehong pagsusulit at Licensure Examination for Teacher o LET.
Personal namang iniabot ang parangal sa dalawa nina City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista, City Vice-Mayor Melvin Lamata, Jr. at ng mga City Councilor na sina Aljo Cris Dizon, Mike Ablang, Carlo Agamon, Dina Espina-Chua, Dr. Philbert Malaluan, Dr. Ted Matthew Evangelista, Bernardo Piñol, Jr. Judge Francis Palmones, Galen Ray Lonzaga, at Jason Roy Sibug.
Inaasahan naman ng City Government na mas madami pang empleyado nito ang mahimok na mag-aral at linangin ang angking kakayahan at maging bahagi ng Program on Awards and Incentives for Service Excellence o PRAISE na may layong hikayatin, kilalanin, at gantimpalaan ang mga empleyado para sa kanilang mga ambag sa pagiging epektibo, pagtitipid, at pagpapabuti ng mga operasyon ng pamahalaan.##(Vonkluck Herrera | City Information Office)