CITY TREASURER’S OFFICE LUMAGPAS SA TAX COLLECTION TARGET NITONG UNANG SEMESTRE NG 2025

KIDAPAWAN CITY – (July 7, 2025) MAHIGIT sa 100% na Tax Collection Efficiency Rate ang naitala ng City Treasurer’s Office sa mga target nito sa first semester o unang anim na buwan ng taong kasalukuyan.
Basehan nito ang January 1-June 30, 2025 Office Accomplishment na iniulat ng Tanggapan ng Ingat Yaman ng Lokal na Pamahalaan nitong umaga ng July 7, sa ginanap na Flag Raising Ceremony at Convocation Program ng City Government.
Sa Real Property Taxes (Basic Tax) pa lang ay nakakolekta na ng P31,198,201.00 mula sa target na P23 Million o 135% Collection Efficiency ang City Treasurer’s Office.
Nagtala naman ng P44,741,462.18 mula sa Estimated Target na P36 Million para sa Special Education Fund o katumbas sa 124% Collection Efficiency.
P20,051,002.33 naman ang nakolekta ng City Hospital kumpara sa target nito na P15 Million o katumbas sa 133.67% collection rate.
Samantala, nasa P204,762,358.71 na ang nakokolektang Local Taxes na 106% na lumagpas sa target nitong mahigit sa P192 Million.
Binigyang pugay ni City Mayor Atty. Paolo Evangelista at ng Sangguniang Panlungsod ang mga kawani ng CTO sa pagpupunyagi nitong malagpasan ang target sa pangongolekta ng buwis para sa taong kasalukyan.
Tiniyak ng alkalde na mapupunta sa makabuluhang mga proyekto na magbibigay benepisyo sa lahat ang buwis na ibinabayad ng mga mamamayan sa Lokal na Pamahalaan.
Kaugnay nito ay mas pinabibilis na ng CTO ang pagbibigay serbisyo sa mga taxpayers sa pamamagitan ng on-line payment system via gcash, LandBank Biz Portal at Text Blasting. ##(Lloyd Kenzo Oasay/City Information Office)