MGA FARMER AT LABORER NG ISANG MALAYONG BARANGAY, NABIGYANG KABUHAYAN NG CITY GOVERNMENT

KIDAPAWAN CITY – ( July 2,2025) APATNAPU’T APAT na mga kasapi ng Malinan Farmers and Laborers Association – MAFALA ang nabigyan ng kabuhayan mula sa City Government ngayong Miyerkules, July 2.
Tumanggap sila ng inahin at tandang na mga manok na kanilang pararamihin bilang kabuhayan ng mga kasapi ng asosasyon.
Programa ito ni City Mayor Atty. Paolo Evangelista na naglalayong maiangat ang kabuhayan ng mga magsasaka at maisulong ang seguridad sa pagkain ng mga Kidapawenos.
Nanguna si City Veterinarian Dr.Eugene Gornez sa dispersal ng naturang mga manok sa Barangay Hall ng Malinan.
Bago ang dispersal ay pumirma muna sa isang Memorandum of Agreement ang City LGU at mga kasapi ng MAFALA kung saan maliban sa magsisilbing hanapbuhay ito ng mga recipients, tungkulin nilang paramihin at paiitlogin ang mga manok at ibibigay ito sa OCVET para naman mapakinabangan din ng iba pang nagnanais magkaroon ng kabuhayan sa ilalim ng Poultry Dispersal program ng City Government.
Maliban sa tig aapat na ihanin at isang tandang, may kalakip din na bitamina at supplements para sa maayos na kalusugan ng mga ito ang ibinigay ng OCVET sa mga recipients ng programa. ##(Lloyd Kenzo Oasay/City Information Office)