KIDAPAWEÑOS REAL TIME NA MAKIKITA ANG PAGTAAS NG TUBIG O LANDSLIDE TUWING UMUULAN

KIDAPAWAN CITY-( July 1, 2025) SA PAMAMAGITAN NG FACEBOOK, ay makikita na sa takdang oras ng mga mamamayan ng lungsod kung magkakaroon ba ng mga pagbaha at landslide dulot ng mga pag ulan.
Umaga nitong Martes, July 1 ng inilunsad ng City Government sa pamamagitan ng City Disaster Risk Reduction and Management Office o CDRRMO ang Automated Weather Station at Early Warning System na mapapanood via Facebook Livesteam.
Malaking tulong ito, wika pa ni City Mayor Atty. Paolo Evangelista na malaman ng lahat kung magiging peligroso ba ang isang komunidad tuwing umuulan sa posibilidad ng pagbaha, at pagguho ng lupa.
Praktikal ang nasabing sistema lalo pa at hindi na kinakailangan pang magpadala ng tao ng CDRRMO para imonitor ng kalagayan ng lugar, at mas mabilis na maka responde ang mga otoridad para sa agarang paglikas.
Isa pa ay ang AWS-EWS ay magiging gabay para kay Mayor sa usapin ng pagdedeklara lamang ng suspension ng klase sa mga lugar na direktang apektado ng baha o landslide.
Naglagay ng Automated Weather Station sa siyam na iba’t-ibang lugar sa lungsod na magmomonitor ng dami at bigat ng ulan.
Habang may inilagay din na Early Warning System (na siyang makikita sa Facebook Livestreaming) sa mga lugar na malimit bahain at posibleng gumuho ang lupa.
Payo ng CDRRMO sa mga gumagamit ng Facebook na pumunta lamang sa account ng CDRRMO Kidapawan City para mapanuod at malaman ang sitwasyon ng kanilang mga komunidad habang umuulan.
Ang AWS-EWS ay isa lamang sa mga makabuluhang programa na nagmula sa ibinabayad na buwis ng mamamayan, paliwanag pa ni Mayor Evangelista. ##(Lloyd Kenzo Oasay/City Information Office)